Ang Pahayagan

DTI Nanawagan na Iwasan ang Plastik at Ugaliing Magdala ng Sariling Sisidlan kapag Namalengke

SUBIC BAY FREEPORT ZONE — Nanawagan ang Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko na ugaliing magdala ng sariling lalagyan o bag na hindi gawa sa plastik tuwing namimili, bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa polusyon at labis na paggamit ng single-use plastics.   

Ang panawagan ay isinagawa sa idinaos na MSME Development Council Meeting alinsabay sa regular na programang “Kapihan with the Media” nitong Martes, Disyembre 2, 2025, sa Seorabeol Grand Leisure Hotel, SBFZ. 

Ayon kay DTI-Zambales Provincial Director Enrique Tacbad, ang simpleng hakbangin na ito ay makatutulong nang malaki sa pagbawas ng basura at sa pangangalaga ng kalikasan.

Ang mga plastik na bag at lalagyan ay tumatagal ng daan-daang taon bago tuluyang mabulok, at nagiging sanhi ng pagbabara sa mga kanal, pagbaha, at polusyon sa karagatan.   

Binibigyang-diin ni Tacbad na ang paggamit ng mga alternatibong sisidlan ay hindi lamang makakabawas sa polusyon, kundi makapagbibigay rin ng suporta sa mga lokal na produkto at kabuhayan. 

Ang ilan  aniya sa mga rekomendadong gamitin bilang alternatibo ay ang bayong na gawa sa kawayan, rattan, o iba pang likas na materyales , re-usable cloth bags gaya ng canvas tote bags, basket o kahon na mula sa recycled paper o karton at mga matibay na lalagyan gaya ng stainless steel o salamin para sa pagkain.

Hinimok din ng DTI ang mga mamimili na maging mas responsable at makiisa sa pambansang layunin ng pagpapanatili ng malinis na kapaligiran at ang pagbabago sa mga nakasanayang paggamit ng plastik. Ito anila ay hakbang tungo sa mas ligtas, mas malusog, at mas maayos na pamayanan.   

“Ang bawat Pilipino ay may mahalagang papel sa pangangalaga ng kalikasan.Sa simpleng pagdadala ng sariling lalagyan, nakatutulong tayo sa pagbawas ng polusyon at sa pagtataguyod ng mas maayos na kinabukasan,” pahayag pa ni Tacbad. (Ulat para sa Ang Pahayagan /  MITCH C SANTOS)

Leave a comment