Ang Pahayagan

 “The Gillesania LOST SENTINELS”: Ang Huling Bahagi ng Paghilom sa Olongapo 

OLONGAPO CITY – Matagumpay na itinanghal ng I-Pilipino noong Nobyembre 30, 2025, ang pangwakas na yugto ng PAGHILOM: Healing and Restoration, isang serye ng mga programang nakatuon sa kapangyarihan ng sining bilang kasangkapan sa paghilom, pagkatuto, at pagpapatibay ng ugnayan sa komunidad.

Ginanap ang culminating event sa SM City Olongapo Central, na nagsilbing makabuluhang pagtitipon ng mga manlilikha, mag-aaral, at tagasuporta ng sining mula sa iba’t ibang panig ng lungsod. 

Pinangunahan nina Paul Gillesania, featured artist at lecturer; Ms. Monette Faltriguera Cruz, CEO at Founder ng I-Pilipino; at espesyal na panauhin na Ms. Catherine T. Stewart, Head of External Relations ng Philippine Coastal Storage and Pipeline Corporation, ang ribbon-cutting ceremony para sa mini-art exhibit na pinamagatang “The Gillesania LOST SENTINELS.”

Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Ms. Stewart ang personal na pananaw sa sining, na nakaugat sa kanyang pamilya at naging inspirasyon niya sa suporta para sa nasabing programa. 

Isa sa mga tampok na gawain ang Pastel Art Workshop, na nilahukan ng mga mag-aaral mula sa high school at kolehiyo.

Naging daan ang pagawaan upang malinang ang talento ng mga art majors at baguhan, na nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa pagkakataong matuto ng mga bagong teknik sa pagguhit sa pamamagitan ng gabay ng facilitator. Ang masiglang interaksyon ng mga kalahok ay nagpatunay sa patuloy na pag-usbong ng interes sa sining sa hanay ng kabataan. 

Umabot sa humigit-kumulang 400 katao ang lumahok sa kaganapan, na nagbigay-buhay sa isang masigla at nagkakaisang komunidad ng sining sa Olongapo.

Muling nakibahagi ang mga dating exhibitor na sina Ms. Ella Tolenada at Ms. Sophia Louise Cruz-Fordan, habang nakabuo rin ng panibagong ugnayan kasama ang mga lokal na artist tulad nina Ms. Ann Domingo, Ms. Rina Bilog-Herrer, at Sir Robert Nacion, may-ari ng Artist3 school. 

Kabilang sa mga tampok na likha ang mga guhit na sumasalamin sa mahahalagang pook ng Olongapo City, Subic Bay Freeport Zone, at Zambales—mga obrang nagbibigay-pugay sa kasaysayan, kultura, at tagumpay ng rehiyon. 

Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat ang I-Pilipino sa DepEd Division of Olongapo City, partikular kay Dr. Imelda Macaspac, at sa Olongapo City National High School (SPA at SPFL programs) sa kanilang pakikiisa.

Kinilala rin ang suporta mula sa SBMA Tourism Department sa pamumuno ni Ms. Jem Camba. Isang espesyal na pasasalamat naman ang ipinagkaloob sa matagal nang katuwang ng organisasyon, ang SM City Olongapo Central, at sa kanilang Marketing Team na pinamumunuan ni Sir Milo Garcia, para sa patuloy nitong pagtulong sa mga programang pangkultura ng komunidad. 

Higit pa sa isang simpleng exhibit, ang nasabing pagtitipon ay nagsilbing bukas na espasyo para sa pagbuo ng bagong pagkakaibigan, pagpapalitan ng ideya, at paglinang ng mga susunod pang kolaborasyon. Sa pagtatapos ng serye ng PAGHILOM, iniwan nito ang isang mahalagang marka—isang mapayapa at makahulugang paglalakbay tungo sa pagbangon, pag-unlad, at pag-asa para sa lahat ng lumahok at nakiisa. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS, Mga larawan –KIA)

Leave a comment