ZAMBALES— Bilang pakikiisa sa Trillion Peso March, nagsagawa ng makabuluhang panawagan laban sa korupsiyon ang Partido para sa Malinis na Gobyerno (PMG) sa Barangay Baraka, Subic nitong Linggo, Nobyembre 30.
Ang pagtitipon ay naglalayong ipahayag ang pagtutol ng mga mamamayan sa patuloy na katiwalian na nagpapahina sa tiwala ng publiko sa pamahalaan at pumipinsala sa pambansang yaman.
Sa nasabing rali, binigyang-diin ng mga tagapagsalita mula sa PMG na ang korupsiyon ay hindi lamang usapin ng maling pamamahala, kundi isang hadlang sa pag-unlad ng komunidad.
Ayon kay PMG Founder Atty. Carlos Castillo , ang bawat pisong nawawala sa kaban ng bayan ay katumbas ng pagkakait ng oportunidad sa edukasyon, kalusugan, at kabuhayan ng mga ordinaryong mamamayan.
“Napakahalaga ang isinasagawang pagtitipon ngayun dahil ito ay paghahayag ng ating nararamdaman sa nangyayaring korupsiyon, kaya naman ang PMG ay mananatiling tututok sa usaping eto at naghihintay na may mapanagot o makasuhan,” pagdidiin ni Castillo sa kanyang talumpati sa naturang rali.
Hindi naman maiwasan ng iba pang tagapagsalita na banggitin ang ilang isyu ng umano’y korapsyon na nagaganap sa nabanggit na munisipalidad. Pinuna rito ang anilay overpriced na streetlight project gayun din ang pondong utang para sa local na water distribution samantalang pribadong kumpanya naman na umano ang nagpapatakbo rito.
May sariling panawagan naman ang mga kabataang lumahok sa nasabing rali kung saan nagladlad ang mga ito ng kanilang plakard na nagsasabing ang “edukasyon ay karapatan ng mga kabataan.”
Tampok na protest chant pa rin ng mga kalahok na nangibabaw na sabayang isinisigaw sa nasabing rali “Ang Tao, Ang Bayan, ngayon ay lumalaban,” at “Ikulong Na Yang Mga Kurakot,” sa saliw ng suportang busina ng mga nagdaraang motorista.

“Layunin ng PMG na palakasin pa ang boses ng mamamayan at iparating sa mga kinauukulan na panahon na upang wakasan ang kultura ng katiwalian. Ang panawagan natin ay magsisilbing paalala na ang tunay na kapangyarihan ay nasa kamay ng taumbayan, at ang ating pagkakaisa ang pinakamabisa laban sa maling pamamahala,” saad pa ni Castillo. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS at JUN DUMAGUING)


Leave a comment