Zambales — Nakatakdang magsagawa ng mapayapang pagtitipon ang Partido ng Malinis na Gobyerno (PMG) sa darating na Linggo, Nobyembre 30, bilang pakikiisa sa mga sabayang kilos-protesta sa buong bansa laban sa katiwalian sa gobyerno.
Ayon kay PMG founder Atty. Carlos Castillo, inaanyayahan ng kanilang samahan ang lahat ng mamamayan, partikular ang mga taga-Subic at mga karatig bayan na nagnanais makiisa sa adhikain ng malinis na pamamahala. Hinikayat niya na magsuot ng puting kamiseta ang mga lalahok bilang sagisag ng pagkakaisa at paninindigan para sa katapatan at integridad.
Nabatid na magsisimula ang motorcade mula sa hilagang bahagi sa Barangay Pamatawan bandang alas-8:00 ng umaga habang ang motorcade naman mula sa timog ay magmumula sa Naugsol sa parehong oras.
Magtatagpo ang dalawang grupo sa Calapandayan Bridge at sabay na tutungo sa Central Terminal malapit sa Pamilihang Bayan, kung saan gaganapin ang programa ng rally.
“Ang pagtitipon ay hindi lamang pagpapahayag ng pagkadismaya sa umiiral na katiwalian, kundi isang panawagan para sa mas makatarungan, tapat, at makabayang pamahalaan,” saad ni Castillo.
Sa pamamagitan aniya ng sama-samang pagkilos, layunin ng PMG na ipakita ang tinig ng mamamayan ay mahalagang sandigan sa pagtataguyod ng pagbabago.
Ang PMG Subic ay itinatag noong 2022 bilang samahan na nagnanais na magkaroon ng malinis na pamamahala o pagugubyerno di lang sa mga lokal na LGU, maging sa pambansang pagugubyerno.
“Eto na ang tamang panahon para tayo ay magsulong ng malinis na pagugubyerno, isang makatarungan, tapat at makabayang pamahalaan, nais na PMG na maging malinis ang pagseserbisyo publiko ng sinumang politiko at maging balanse eto sa kabuuan at wakasan na ang mga tradisyunal na gawain at kultura,” pagdidiin pa ni Atty. Castillo
Lubos din aniya na pinahahalagahan ng PMG ang presensya at pakikiisa ng bawat kalahok at inaasahang magiging huwaran ang nasabing rali ng kapayapaan at disiplina. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment