SUBIC BAY FREEPORT ZONE— Naalarma ang mga concerned citizen sa dalawang magkasunod na insidente ng basag kotse (car break-in) na naitala sa loob lamang ng tatlong araw sa Subic Bay Freeport.
Ang serye “basag kotse” modus ay naganap habang papalapit ang Holiday Season, kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga turista sa nasabing major destination ng bansa.
Batay sa mga ulat na natala ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Law Enforcement Department, gayundin sa inilabas sa social media post ng mga naging biktima, pawang mga high-end vehicles na nakaparada sa mga establisyemento ang target ng mga hindi pa nakikilalang salarin.
Unang ini-ulat ng mag-asawang biktima noong Nobyembre 17, na sa pagitan ng alas-5:00 hanggang 5:30 ng hapon nang matuklasan nilang binasag ang bintana ng kanilang Ford Everest at natangayang isang bag na naglalaman ng ₱1,500 cash, tseke, powerbank, debit at credit cards, driver’s license, PhilHealth ID, at isang gintong kwintas na may cross pendant.
Sa insidente naman noong Nobyembre 19, Isa pang sasakyan ang binasag kung saan natangay naman ang personal na gamit at mahahalagang dokumento ng may-ari na isang doktora sa Olongapo City.
SBMA, Maghihigpit sa Seguridad
Ayon kay Armie Llamas, Corporate Communication head ng SBMA, tinututukan na nila ang naturang mga kaso dahil posibleng may kaugnayan umano ito sa pagtaas ng insidente ng pagnanakaw tuwing na lalapit ang holiday season.
“Ngayon nga pong nasa Law Enforcement Division na ang imbestigasyon, nanawagan kami sa publiko ng pakikipagtulungan na kapag mayroong kakaiba o kahina-hinalang tao, grupo, o mga gawain katulad ng nasabing insidente ay magandang makipag-ugnayan agad sa kinauukulan,” pahayag ni Llamas.
Bilang tugon din aniya, naglatag na ang SBMA ng karagdagang security patrols at CCTV monitoring sa mga parking area at mas pina-igting pa ang security protection para sa lahat, lalo na sa mga turista.
Pinayuhan din ng SBMA ang publiko na huwag mag-iwan ng mahahalagang gamit sa loob ng sasakyan. Hinihikayat din na iwasan ang matagal na pagparada sa mga lugar na walang bantay upang hindi maging biktima ng ‘basag kotse’ modus. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment