Higit sa tatlumpung (30) bungo ng American Alligator (Alligator mississippiensis) ang nakumpiska mula sa isang American citizen sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, sa isinagawang operasyon ng Bureau of Customs (BOC) at mga kawani ng Wildlife Traffic Monitoring Unit (WTMU) ng DENR National Capital Region Enforcement Division.
Ayon sa dayuhang pasahero, nakatakda sanang ipang-regalo ang mga bungo sa isang event na kanyang dadaluhan sa bansa. Gayunpaman, sa inisyal na inspeksyon ng awtoridad, natuklasan na ang mga ito ay walang anumang kaukulang Import Permit mula sa DENR.
Dagdag pa rito, ang American Alligator ay nakalista bilang CITES Appendix II species, kaya’t kinakailangan ang CITES Import Permit na iniisyu ng Biodiversity Management Bureau (BMB) bilang CITES Authority ng bansa bago payagang maipasok ang anumang bahagi o produktong nagmula rito.
Muling nagpapaalala ang DENR-NCR sa publiko na maging maingat at responsable sa pag-angkat o pagdadala ng wildlife products. Dapat tiyaking valid at kumpleto ang mga kinakailangang dokumento at permit upang maiwasan ang paglabag sa Republic Act No. 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001.
Bahagi ang naturang operasyon ng DENR na patuloy sa pagpapatibay ng mga hakbang para labanan ang wildlife trafficking at maprotektahan ang ating likas-yamang buhay-ilang.


Leave a comment