HUSTISIYA AT TUNAY NA REPORMA SA LUPA, PANAWAGAN SA IKA- 21 ANIBERSARYI NG MASAKER SA HACIENDA LUISITA.
Sa paggunita ng ika-21 anibersaryo ng masaker sa Hacienda Luisita, muling nanindigan ang Bayan Central Luzon kasama ang mga manggagawang bukid, pamilya, at komunidad na patuloy na humihingi ng hustisya, lupa, at dignidad mahigit dalawang dekada matapos ang madugong pangyayari noong Nobyembre 16, 2004.
Noong araw na iyon, pitong manggagawang bukid—Jun David, Adriano Caballero, Jhaivie Basilio, Jesus Laza, Jaime Pastidio, Juancho Sanchez, at Jessie Valdez—ang nasawi matapos marahas na buwagin ng mga puwersa ng estado ang makasaysayang Welgang Bayan na nilahukan ng manggagawa at tagasuporta.
Ang masaker ay naglantad ng kalupitan upang ipagtanggol ang monopolyo sa lupa ng Cojuangco-Aquino clan at muling nagbigay-diin sa kabiguan ng Stock Distribution Option (SDO) na ipinataw sa mga magsasaka.
Ayon sa Bayan Central Luzon, nananatiling mabigat ang kalagayan ng mga magsasaka sa Luisita dahil sa:
– Patuloy na pangangamkam ng lupa at manipulasyon sa proseso ng pamamahagi;
– Sapilitang pagpapalayas ng mga komunidad para bigyang-daan ang malalaking proyektong pang-industriya gaya ng Cresendo estate at Tarlac Industrial Estate;
– Panlilinlang at murang kabayaran sa mga benepisyaryo ng CLOA;
– Militarisasyon, red-tagging, at panggigipit sa mga lider at organisador ng mga manggagawa.
“Ang mga tuloy-tuloy na atake ay nagpapakita ng isang katotohanan: hindi pa tapos ang laban para sa lupa at hustisya sa Hacienda Luisita,” Pahayag ng Bayan Central Luzon. “Sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi ang lupa, patuloy pa ring binabaluktot ng mga Cojuangco-Aquino at malalaking negosyo ang kagustuhan ng mga magsasaka.”
Binanggit ng grupo na ang mga inisyatiba ng bungkalan o kolektibong pagtatanim ng mga magsasaka sa loob ng asyenda ay patunay ng lakas ng komunidad. Sa kabila ng banta ng pagpapaalis, patuloy nilang pinapatunayan na kaya nilang magtanim, magpakain, at ipagtanggol ang kanilang karapatan.
“Buhay pa rin ang diwa ng Welgang Bayan ng 2004,” dagdag ng Bayan Central Luzon. “Ang tapang ng mga magsasaka—na muling nagtayo ng piket matapos ang masaker, na nagtanim sa kabila ng banta, na nag-organisa sa gitna ng panunupil—ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa mga pakikibaka para sa lupa at katarungang panlipunan sa buong Gitnang Luzon.”


Leave a comment