Ang Pahayagan

KONSYERTO NG BAYAN LABAN SA KATIWALIAN

PAMPANGA — Isang makasaysayang pagtitipon ang idinaos ng Concerned Citizens of Pampanga katuwang ang United Pampanga Artists Against Corruption sa pamamagitan ng “Konsyerto ng Bayan Laban sa Katiwalian” noong Linggo, Nobyembre 16, sa Heritage District, Sto. Entierro Street, kanto ng Miranda Street, Angeles City.   

Mahigit 40 na mga musikero at banda ang nag-alay ng kanilang talento upang ipahayag ang panawagan ng sambayanan laban sa katiwalian. Sa pamamagitan ng musika, kanilang isinulong ang mensaheng “Tapusin ang dilim ng katiwalian! Isiwalat, panagutin, at ipabilanggo ang mga gahaman! Ibalik ang yaman ng bayan na kanilang ninakaw.”   

Ayon sa mga organisador, layunin ng pagtitipon na ipakita ang lakas ng pagkakaisa ng mga artista at mamamayan sa paglaban para sa katotohanan at katarungan.   

Ang konsiyerto ay nagsilbing plataporma hindi lamang para sa sining at kultura, kundi para sa mas malawak na kilusan ng mamamayan na nananawagan ng pananagutan mula sa mga tiwaling opisyal.

Nabatid kay Au Santiago, Pangkalahatang Kalihim ng Bayan-Gitnang Luzon, bukás ang konsiyerto sa lahat, at mariing panawagan ng mga tagapagtaguyod na ang bawat isa ay makiisa sa nasabing aktibidad.

“Napakahalaga ng isinasagawang  konsiyertong eto dahil sa pamamagitan ng pagtatanghal ng ating mga makabayang artistang bayan ay napapakingan at naririnig ng taong bayan ang tunay na saloobin ng marami kaugnay sa mga nangyayaring anomalya sa kaliwa’t, kanang korupsiyon sa kasalukuyan sa ating bansa, saad pa nito.

Bahagi aniya ito ng panawagan na panagutin ang lahat ng sangkot sa kurapsyon hindi lamang sa hanay ng DPWH, kontraktor, LGU, kundi gayundin sa mga sangkot mula sa Kamara, Senado hanggan sa Malacanyang.

“Kung kaya’t hindi lang sa gabing eto natatapos ang ating panawagan, eto ay ating susundan sa mas malaking panawagan sa darating na Nobyembre 30, 2025” pagdidiin ni Santiago. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan ni MITCH C. SANTOS) 

Leave a comment