Ang Pahayagan

HUSTISYA PARA KAY TIGER: TAGUMPAY NG BATAS, PANAGAWAN NG LIPUNAN 

Sa bayan ng Subic, Zambales, isang makasaysayang tagumpay ang naitala para sa karapatang pang-hayop—isang tagumpay na hindi lamang para sa asong si “Tiger,” kundi para sa lahat ng nilalang na madalas ay tahimik na biktima ng karahasan. 

Noong Marso 26, 2025, natagpuang walang buhay si Tiger, isang asong gala na kilala sa paligid Subic Public Market. Sa kabila ng kanyang pagiging palaboy, si Tiger ay minahal ng marami, at ang kanyang marahas na pagkamatay ay nagdulot ng matinding galit at pagkabahala sa komunidad.

Sa pangunguna ni Susan Espinosa, isang masugid na animal welfare advocate, masusing kinalap ang mga ebidensya at testimonya ng mga saksi at naisampa ang kaso laban sa isang Jocelyn O. Acojedo, isang tindera sa palengke.

Sa desisyong inilabas ni Hon. Roel G. Samonte ng Municipal Trial Court, napatunayang lumabag si Acojedo sa Republic Act No. 8485 o ang Animal Welfare Act of 1998.  

Siya ay nahatulan ng anim na buwan hanggang isang taon na pagkakakulong at multang ₱20,000—isang makabuluhang hakbang tungo sa pagpapatupad ng batas para sa kapakanan ng mga hayop. 

BATAS NA BUHAY, PANANAGUTAN PANLIPUNAN. 

Ang hatol na ito ay patunay na ang batas ay hindi lamang para sa tao. Ito ay paalala na ang dignidad at karapatang mabuhay ay hindi dapat ikait sa mga hayop, lalo na sa mga walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili. Sa isang lipunang madalas ay abala sa mga isyung pang-ekonomiya at pampulitika, ang tagumpay na ito ay nagsisilbing paalala na ang malasakit ay dapat sumaklaw sa lahat ng nilalang. 

Pinuri ng mga lokal na grupo ng animal welfare ang desisyon ng hukuman, at nanawagan sa publiko na maging mapagmatyag. Hindi sapat ang batas kung walang tapang ang mamamayan na magsalita, mag-ulat, at kumilos. Ang bawat insidente ng pagmamalupit sa hayop ay dapat ituring na krimen—hindi lamang moral na pagkukulang. 

“Run free, Tiger. Hindi man namin maibabalik ang iyong buhay, ngunit ang hustisyang ito ay magsisilbing paalala na ang bawat hayop ay may karapatang mabuhay nang may dignidad.” Ang mga salitang ito ay hindi lamang paggunita, kundi paninindigan.

Sa bawat Tiger na nawalan ng boses, dapat tayong maging tinig. Ang mga nagmamalupit sa mga hayop at lumabag sa batas, marapat lamang na panagutin. 

SA PAGITAN NG HUSTISYA AT PAGKALINGA. 

Ang kolum na ito ay panawagan sa mas malawak na pagkilos—sa edukasyon, sa lokal na pamahalaan, sa mga paaralan, at sa media. Ang pagkalinga sa mga hayop ay salamin ng ating pagkatao. 

Ang hustisya para kay Tiger ay hindi pagtatapos, kundi simula. Simula ng mas mapagmatyag na lipunan, mas makataong pamayanan, at mas buhay na batas. 

“Hindi lamang sila hayop o animal na tulad ng iniisip natin. Sila ay binigyan buhay ng Maykapal kaya nararapat lamang na sila ay itrato nang may Respeto, Paggalang at Pagmamaha. 

Leave a comment