Ang Pahayagan

PAGHILOM: ISANG PAGLALAKBAY NG PAGPAPAGALING AT MULING PAGBANGON 

OLONGAPO CITY — Nobyembre 2025, sa gitna ng patuloy na hamon ng lipunan, inilunsad ng I-Pilipino ang makabuluhang programang “Paghilom: Healing and Restoration” — isang buwanang inisyatiba na naglalayong pagdugtungin ang pagkakawatak ng kaisipan, kultura, at komunikasyon sa bansa. Layunin nitong isulong ang kabuuang paggaling ng katawan, isip, kaluluwa, at kalikasan sa pamamagitan ng mga gawaing nakatuon sa pisikal, emosyonal, at pangkabuhayang pagbangon. 

Tampok sa programa ang art restoration and preservation, art therapy, health talks, healing from grief and abuse, concert for a cause para sa mga cancer patient, healing with nature, mga workshop, at mga aktibidad para sa pangangalaga ng kapaligiran. 

Pormal na sinimulan ang “Paghilom” noong Nobyembre 4 sa pamamagitan ng isang libreng online Health Talk via Zoom. Sinundan ito ng serye ng mga workshop sa pakikipagtulungan ng SM City Olongapo Central at DepEd Olongapo City, na nagbigay ng espasyo para sa edukasyon, sining, at kolektibong pagninilay. 

Isa sa mga tampok na aktibidad ang “Concert for a Cause” na dinaluhan ng grupong “4BARS PARIN BATOYA?” mula sa komunidad ng Kasining ng SinKutao, at ng kilalang bandang Sunkissed Lola. Ang kita mula sa konsiyerto ay ilalaan sa K5 News FM, SOCFI, at sa Bears of Joy Program ng SM, gayundin sa mga proyekto ng I-Pilipino para sa mga katutubong pamayanan, kabataan, biktima ng kalamidad, at mga nakaligtas sa karahasan. 

Bukod dito, itinampok din ang mini art exhibit ni Paul Gillesania na pinamagatang “The Lost Sentinels,” na nakatakdang ganapin sa Level 3 ng SM City Olongapo Central. Bagamat orihinal na itinakda sa Nobyembre 9, ito ay ipinagpaliban sa Nobyembre 30 sa parehong oras at lugar. 

Gayunman, pansamantalang naantala ang ilang aktibidad bunsod ng pananalasa ng mga bagyong Tino at Uwan.

Ayon kay Monette Faltiguera Cruz, CEO at Founder ng I-Pilipino, “We cannot take the risk lalo na’t nagbabadya ang masamang panahon. Napakalakas ng bagyong Uwan at karamihan sa mga kalahok ng workshops ay mga bata at estudyante, kaya mas mainam na ikansela muna.” 

Sa kabila ng mga pagsubok, nananatiling matatag ang mensahe ng “Paghilom” — na ang pagkakaisa, malasakit, at sining ay mabisang gamot sa mga sugat ng lipunan. Higit pa sa isang proyekto, ito ay panawagan tungo sa kolektibong paggaling at muling pagbangon ng pagkataong Pilipino. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS / Larawan mula kay Monette Faltiguera Cruz)

Leave a comment