Ang Pahayagan

FACT FINDING MISSION UKOL SA DEMOLISYON SA MASINLOC

Nakatakdang iprisinta sa darating na Biyernes, Nobyembre 14, ang mga nakalap na ulat mula sa isinagawang National Fact-Finding and Solidarity Mission (NFFSM) kaugnay sa naganap na demolisyon noong nakalipas na buwan sa Barangay Taltal, Masinloc, Zambales.

Ang nasabing aktibidad ay inisyatibo ng Pagkakaisa para sa Tunay na Repormang Agraryo (PATRIA), katuwang ang Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL) at ang Samahan ng Magsasaka at Mangingisda ng Brgy. Taltal (SAMMBAT) kung saan layunin nila na ilahad ang mga natuklasan at rekomendasyon mula sa fact-finding mission kaugnay umano’y sapilitang pagpapalayas sa mga magsasaka at mangingisda sa Sitio Togue ng nasabing barangay. 

“Noong Sept, 5-6, ang mga magsasaka at mangingisdang nagbubungkal sa 32 ektaryang lupa sa Sitio Togue, Barangay Taltal ay pinagkaitan ng due process at hindi man lang dininig ng lokal na pamahalaan ang kanilang panawagan na sila ay ibalik sa lupa nilang sinasaka at tinitirahan,” pagdidiin ni Jan Carlos, tagapagsalita ng Alyansang Magbubukid ng Pilipinas. 

Ayon pa kay Carlos, ang ulat ay bunga ng masusing dokumentasyon at pakikipag-ugnayan sa mga apektadong komunidad ukol sa mga ulat ng paglabag sa karapatang pantao at kawalan ng konsultasyon sa mga lokal na residente.

Sa pamamagitan umano ng gaganaping aktibidad sa Commission on Human Rights Central Office sa Quezon City, inaasahang mabibigyang-linaw ng presentasyon ang mga isyu ng mga apektadong residente ng Taltal, gayundin ang makapaglatag ng mga panukalang hakbangin upang maprotektahan ang karapatan sa lupa, kabuhayan, at paninirahan ng mga apektadong residente.

Inaasahan na dadalo rito ang mga kinatawan mula sa civil society organizations, media, akademya, at mga ahensya ng pamahalaan na makikibahagi sa gaganaping  talakayan.. (Ulat mula kay MITCH C SANTOS larawan mula sa AMGL)

Leave a comment