OLONGAPO CITY—Ipinag-utos ni Olongapo City Director P/Col Richie Clarivall ang agarang pagpapahinto sa umano’y iligal na pasugal alinsabay sa ginaganap na Mardigras sa siyudad na ito.
Nabatid na nabunyag ang naturang sugalan noong Miyerkules, Oktubre 28, kasabay ng pagbubukas ng Olongapo City Mardigras 2025 kung saan nakita ng ilang nagko-kober na mamamahayag ang lamesa ng color games na tinatayaan ng pera sa nakasingit sa mga panindang stalls sa naturang okasyon.
Ayon kay Central Luzon Media Association-Olongapo-Zambales Chapter President Dante M. Salvaña, aksidente lamang aniya ang pagkakatuklas sa naturang pasugalan nang naglibot umano siya malapit sa panulukan ng Magsaysay Drive at Gordon Avenue habang naghihintay sa opening ceremony ng Olongapo Mardigras 2025.
“Doon malapit sa may gate pagpasok ng Mardigras, nandun yung dalawang lamesa ng color games at sa labas nito ay mayroon pang mga nakahilerang lamesa ng iba pang sugal,” saad ni Salvaña sa panayam ng Ang Pahayagan.
Idinagdag pa nito na dahilan sa nakita ay agad niyang ipinagbigay alam ito sa pamunuan ng kapulisan sa lungsod.
Pinuna din ng CLMA ang organizer ng Olongapo Mardigras kung paanong pinayagan ang pasugal sa isang aktibidad na maraming mga kabataan ang dumarayo. (Ulat para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)
(Larawan mula kay CLMA Olongapo-Zambales President Dante Salvaña)


Leave a comment