Olongapo City —Bilang paggunita ng ika-28 taon ng Indigenous Peoples Month at ang pagpapatibay ng Indigenous Peoples Rights Act (IPRA), isinagawa ng mga katutubong Ayta ng lungsod ang isang makabuluhang pagtitipon sa Marikit Park, ngayong Miyerkules, Oktubre 29.
Sa temang “Weaving Culture, Enriching Future: Empowering Indigenous Communities as Bedrock of Sustainable Development,” nag-martsa ng may isang kilometro ang higit sa 100 na mga katutubo mula sa Caltex, Sta. Rita patungo sa nasabing parke para sa kanilang programa.
Layunin ng aktibidad na kilalanin ang mahalagang papel ng mga katutubong pamayanan upang itaguyod ang inklusibo at pangmatagalang pag-unlad.
Sa naturang programa ay binigyang-diin ng mga tagapagsalita ang kahalagahan ng IPRA bilang sandigan ng karapatan, pagkakakilanlan, at pag-unlad ng mga katutubong Pilipino.
Isinagawa din ang ceremonial signing para sa mga programang pangkabuhayan, edukasyon, at pangkalikasan na nakatuon sa mga ancestral domains para sa mga katutubo ng siyudad.

Ang iba’t-ibang tribo ay nagpamalas din ang kanilang mga lokal na produkto at pagkain sa mga itinayong kubol sa parke. Sinaliwan ito ng mga pagtatanghal na nagpapakita ng sining, musika, at tradisyon ng mga katutubong grupo mula sa iba’t ibang rehiyon.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, organisasyong sibiko, at mga lider-katutubo.
Ayon kay City Agriculture Office Head Francis Ela Maniago, ang taunang pagdiriwang ay hindi lamang nagpapakilala sa kasaysayan at kultura ng mga katutubo kundi isang panawagan para sa mas malalim na pakikiisa at suporta mula sa lahat ng sektor ng lipunan.
“Ang pagdiriwang na eto ay bilang pagkilala sa kultura ng ating mga kapatid na Aytas, na dito sa lunsod ng Olongapo ay meron tayong mga Aetas na dapat na i- empower natin. Dapat din na kilalanin natin ang mga kultura nila na siya rin naman pinang-galingan na ating kultura na marapat lamang nating irerespeto. At sana sa mga ganitong pagdiriwang ay hindi lang ang mga taga Olongapenos ang dapat na sumuporta kundi maging ang mga karatig nating mga bayan o lungsod,” saad ni Maniago sa kanyang mensahe. (Ulat at mga larawan para sa Ang Pahayagan / Ni: MITCH C. SANTOS)


Leave a comment