SA GITNA NG MGA KUWENTO, SINO NGA BA ANG MALINIS AT SINO ANG MARUMI
Sa kasalukuyang panahon ng mabilisang pagbabalita, viral na mga impormasyon, at nag-uunahang opinyon, muling lumulutang ang tanong: Sino nga ba ang maituturing na mga tunay na mga peryodista?
Kung ang isang mamamahayag ay nagsusulat lamang para sa isang panig ng katotohanan—hindi ba’t ito ay isang anyo ng pagkiling? Maaaring totoo ang kanyang inilalathala, ngunit kung hindi isinasaalang-alang ang kabuuan ng larawan, hindi ba’t ito ay isang uri ng paglimita sa katotohanan?
Sa ganitong kalakaran, maituturing ba siyang “malinis” dahil hindi siya nagsisinungaling, o “marumi” dahil pinipili lamang nito ang bahaging nais ipakita?
Hindi ba ito ay uri ng pagmamanipula sa kaisipan ng mga nagbabasa at nakikinig na walang naging pagkakataon na masuri at mabalanse ng bawat angulo ng bawat isyu.
Samantala, kung ang isang reporter naman ay nakatuon lamang sa propaganda o press release —mga pahayag na pabor lamang sa iisang panig na kadalasan mga temang politikal o negosyo—paano natin sila ihahanay bilang tagapagsiwalat ng katotohanan?
Sa ganitong konteksto, ang “maruming mamamahayag” ay hindi lamang yaong nagsisinungaling, kundi yaong nagpapagamit, tahimik sa harap ng katiwalian, at aktibong lumilikha ng ilusyon.
Mayroon din naman mga mamamahayag na kumukuha ng magkabilang panig ng isang istorya—ang nagsusumikap na balansehin ang bawat anggulo ng kuwento, totoo man o hindi ang sinasabi at argumento ng bawat kampo.
Subalit kapag mas mahaba ang pahayag ng inaakusahan, agad ba siyang huhusgahan bilang “bayaran”? Hindi ba’t bahagi ng etika ng pamamahayag ang pagbibigay ng sapat na espasyo sa panig ng inaakusahan, lalo’t may karapatan silang magpaliwanag?
Ang tunay na mamamahayag ay hindi tagapagtanggol ng sinuman. Hindi siya tagapagtakip, hindi rin siya tagapagsabog ng galit. Siya ay tagapagsiwalat—ng buong larawan, ng kabuuang konteksto, ng mga tinig na madalas hindi naririnig. Hindi sapat ang “katotohanan” kung ito’y may tabas, may putol, may layuning magpakiling.
Sa huli, ang tanong ay hindi lamang kung sino ang “malinis” o “marumi.” Ang tanong ay: Sino ang tapat sa tungkulin? Sino ang may lakas ng loob na magsalaysay ng buong kuwento, kahit hindi ito popular, kahit hindi ito maganda sa paningin ng mga makapangyarihan?
Ang pamamahayag ay hindi paligsahan ng opinyon. Ito ay tungkulin ng paglilingkod—sa bayan, sa katotohanan, at sa hinaharap. Ito ay hindi lamang trabaho para ang isang mamamahayag para kumita.
Ito ay isang obligasyon at adbokasiya, isang sinumpaang gawain para sa bayan, tao at kalikasan.


Leave a comment