OLONGAPO CITY— Nababahala ang mga katutubong Aeta na kabilang sa Tribung Maliwakat na naninirahan sa Kalayaan area, Sitio Libas, Barangay New Cabalan, kaugnay sa umano’y demolisyon na isinagawa ng Ambala Tribe ng Pastolan sa ilang mga kabahayan malapit sa perimeter fence ng Subic Bay Freeport Zone (SBFZ).
Ayon sa mga apektadong residente na nakapanayam ng Ang Pahayagan, naganap ang demolisyon noong Oktubre 20, 2025 at pansamantala lamang na natigil nang magbigay pa ng limang araw na palugit para sa mga nakatira rito na boluntaryong lisanin ang naturang lugar.
Mayroon umanong 24 na kabahayan sa pinagtatalunang lugar kung saan lima sa mga ito ang nademolis na.
Lahad ni Primitivo Liwanag, isa sa mga nagiba ang bahay, araw umano ng Lunes habang wala siya sa bahay at nasa trabaho nang gibain ang kanyang bahay.
Naratnan na lamang umano niyang nakakalat ang kanyang mga gamit maging ang bigas na isasaing pag-uwi kinahapunan. Nalaman niya mula sa kuwento ng ilang kapitbahay na may dumating umanong grupo ng Pastulan Aetas kasama ang mga SBMA SWAT at giniba ang kanyang bahay.
Bunsod ng insidente ay may pangamba na din ng kanilang tirahan ang natitira pang mga katutubo na nagsabing wala anila silang alternatibong malilipatan sakaling ipagpatuloy ang demolisyon.
SBMA idenepensa ang aksyon ng Tribong Ambala na nagsabing mga migrant indigenous people ang tribong nanghimasok sa lugar
Sa panig naman ng Subic Bay Metropolitan Authority, nabatid mula kay Lex Magrata, Division Chief for Social Development na ilang dayalogo na umano ang naganap sa pagitan ng Tribong Ambala ng Pastulan at ng Tribong Maliwakat upang resolbahin ang isyu.
Sa isang dayalogo ay inilahad pa umano ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang hinggil sa endemiology kung saan ang Tribong Maliwakat aniya ay hindi taal sa lugar kundi nagmula ang mga ito sa San Marcelino at Botolan sa Zambales.
Napag-alaman na inasistehan lamang ng SBMA ang Tribong Ambala sa isinagawang clearing operation noong Oktubre 20 at pawang mga abandonadong bahay lamang ang giniba sa nasabing clearing operation.
Sinusugan din ito ni SBMA Law Enforcement Department Manager Alfredo P. Agustin na nagpahayag sa ginanap na Talakayan sa Freeport Media Forum na humingi ang grupong Ambala ng assistance sa LED upang maiwasan ang kaguluhan sa isasagawang clearing operation.

Naglabas din ang SBMA Corporate Communication ng pahayag tungkol sa isyu, kung saan iginiit ng ahensya ang probisyon ng Republic Act No. 7227, na nagtatakda sa SBFZ bilang isang na economic zone na nakalaan lamang para sa pang-ekonomiya, komersyal, at industriyal, at mahigpit na ipinagbabawal ang paninirahan o pagpasok ng mga migrante sa loob ng zone.

Dagdag pa ng SBMA, bahagi ito ng kanilang mandato na tiyaking ligtas, organisado, at naaayon sa layunin ng batas ang paggamit ng lupa sa loob ng Freeport Zone. Kaya naman pinoproteksiyonan din nito ang pagkilala sa Tribo Ambala sa Pastolan bilang lehitimong indigenious people sa loob ng Freeport Zone
Sa kabilang banda, pagdidiin naman ng Maliwakat Tribe adviser na si Kata Jugatan na batay sa kanyang hawak na mga dokumento, noong 2014 pa deklaradong ancestral land ang lugar subalit sa Certificate of Ancestral Domain Title o CADTI ng Tribong Ambala ng Pastulan ay hindi kasama ang Kalayaan area kundi bahagi ito ng Olongapo ancestral domain.
Panawagan na lamang ngayon ng mga apektadong residente na magkaroon ng mahabang palugit, dayalogo, at tulong mula sa Iba’t- ibang ahensiya para sa relokasyon at kabuhayan. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan ni MITCH C. SANTOS)


Leave a comment