Ang Pahayagan

Mga Magsasaka mula Gitnang Luzon, naki-isa sa selebrasyon ng Peasant Month sa Kamaynilaan

Naki-isa ang mga magsasaka, manggagawang bukid, at mangingisda mula sa iba’t-ibang probinsiya ng Gitnang Luzon upang gunitain ang Linggo ng Magsasaka sa ilalim ng temang “Save Rice Granary, Save Central Luzon!”. 

Nakibahagi sila sa anim na araw na kampuhan sa University of the Philippines Diliman – College of Social Work and Community Development (UP-CSWCD), sa pangunguna ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL) at Bagong Alyansang Makabayan – Gitnang Luson (BAYAN-GL), katuwang ang mga organisasyong pangkabataan, pangkababaihan, simbahan, at iba pang progresibong grupo. 

Sa nasabing kampuhan ay isinagawa ang mga talakayan hinggil sa mga suliraning kinakaharap ng sektor ng agrikultura, kabilang ang patuloy na land-use conversion, pagbagsak ng presyo ng palay, at demolisyon sa mga komunidad.

Binigyang-diin ng mga lider-magsasaka mula sa Alyansa ng Magbubukid sa Asyenda Luisita (AMBALA), Makisama-Tinang, at Samahang Magsasaka at Mangingisda ng Brgy. Taltal (SAMMBAT) nang kanilang paninindigan sa pagtatanggol ng karapatan sa lupa. 

Mariin nilang tinutulan ang mga anila’y mapanlinlang na mga batas at polisiya ng gobyerno na pumapabor sa mga dayuhang korporasyon at malalaking may-ari ng lupa, na nagreresulta sa sapilitang pagpapalayas sa mga magsasaka. Pinabulaanan din nila ang mga alegasyong terorismo na ibinabato sa mga aktibong kasapi ng mga progresibong organisasyon. 

Nanawagan ang mga delegado sa Department of Agrarian Reform (DAR) na harapin ang sektor ng magsasaka sa isang bukas na dayalogo upang tugunan ang matagal nang hinaing ukol sa lupa at isulong ang tunay na repormang agraryo. 

Sa huling araw ng kampuhan ay sumama ang mga delegado sa isang malaking rali sa Liwasang Bonifacio at pagdaka ay nagmatrsa patungong Mendiola. (Ulat para sa Ang Pahayagan ni MITCH C. SANTOS)

📸 Kabataan Partylist

Leave a comment