ZAMBALES—Inaresto ng mga operatiba ng Regional Maritime Unit 3 (RMU 3) ang isang lalaki dahilan umano sa iligal na pangingisda sa karagatan ng San Antonio, Zambales.
Ang naturang operasyon na koordinado sa San Antonio Maritime Law Enforcement Team (MLET), ay isinagawa makaraan na makatanggap ng impormasyon hinggil sa isang motorized banca na umano’y sangkot sa ilegal na pangingisda gamit ang pampasabog,
Bunsod nito ay agad na nagsagawa ng seaborne patrol operation ang mga tauhan ng RMU 3 at habang nasa karagatan ay namataan ng team ang bangka ng suspek kasama ang limang kalalakihan.
Nang makita umano ng mga suspek ang presensya ng maritime personnel ay agad tumakas ang mga ito patungong Capones Island, dahilan upang magsagawa ang mga pulis ng hot pursuit. Bunga nito, nasakote ang isa sa mga suspek habang lima pang kasamahan nito ang tumalon sa dagat.
Narekober ng mga awtoridad mula sa bangka ng naarestong suspek ang ilang piraso ng hinihinalang improvised explosives, mga botelyang may lamang pinaniniwalaang ammonium nitrate, mga gamit sa pagsisid gayundin ang may 70 kilo ng isdang pinaniniwalaang huli sa iligal na pamamaraan.
Ang naarestong suspek ay dinala sa Olongapo City MARPSTA para sa dokumentasyon habang isinasagawa naman ang follow-up operations para matunton at maaresto ang limang nakatakas na kasamahan nito.
📸 Maritime Pulis III


Leave a comment