SUBIC BAY FREEPORT– Pinangunahan ni Zambales Governor Hermogenes E. Ebdane ang pagpupulong kasama ang mga pinunong lokal at mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang talakayin ang mga paghahanda at mabilis na pagtugon sa mga posibleng kalamidad sa lalawigan.
Ang nasabing pulong at pagpaplano na nag-umpisa ngayong araw Lunes, Oktubre 13, sa Travelers Hotel sa Subic Bay Freeport Zone, ay inaasahang magiging bahagi na rin ng Zambales Program and Operations Plan 2026-2028.
Layunin ng pagpupulong na mapalakas ang koordinasyon sa pagitan ng lokal at pambansang mga ahensya, at masiguro din ang kahandaan ng bawat munisipalidad sakaling magkaroon ng sakuna.
Kabilang sa mga tinalakay rito na dapat paghandaan ay ang hinggil sa mga pagbagyo gayundin ang sa mga paglindol kabilang na ang tinagurian “The Big One”.
Sa mensahe ni Ebdane sa mga delegado, maaari aniya na gamitin ang “Three-Tiered Defense System” bilang strategic approach sa pagharap ng probinsiya sa mga posibleng kalamidad.
Sa pamamgitan aniya ng mga nakuhang impormasyon lalo na kung ito maaga pa lamang ay agad na mapaghahandaan ang mga posibleng pinsala gayundin ang mga isasagawang pag-iingat sa pagharap nito.
“Mainam ang maaga, epektibong pagpaplano at pagsasanay ng lahat ng haharap sa kalamidad,” ani Ebdane.
Para naman ng mga nanunungkulang opisyales, makakabuting ang mga komunikasyon ay malinaw na naipaparating sa mga nakakataas gayundin hanggang na pinakamababang lebel ng barangay at mga komunidad, pagdidiin ng gobernador.
Ang naturang aktibidad ay tatagal ng tatlong araw hanggang Oktubre 15 kung saan inaasahan na maisusumite na ang resulta bilang kabuoang plano ng lalawigan sa pagharap sa kalamidad. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)


Leave a comment