SUBIC BAY FREEPORT— Sa layuning palakasin ang lokal na pamamahala sa pamamagitan ng mga datos, matagumpay na isinagawa nitong Miyerkules, Oktubre 08 ang 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) Data Turnover Ceremony sa Terrace Hotel sa Subic Bay Freeport Zone.
Pinangunahan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang nasabing seremonya, katuwang ang mga lokal na pamahalaan ng Zambales, upang opisyal na ipasa ang mga resulta ng 2024 CBMS sa mga kinauukulang opisyal ng lalawigan.
Ang CBMS ay isang mahalagang hakbang sa pagkolekta ng datos mula sa mga komunidad upang matukoy ang kalagayan ng kabuhayan, edukasyon, kalusugan, at iba pang aspeto ng pamumuhay ng mga nasa komunidad.
Kasunod nito, inilahad ni Arlene Z. Torrico kinatawan mula sa PSA RSSO III at PSA Zambales ang highlights ng 2024 CBMS Results, na nagbigay-linaw sa mga pangunahing datos mula sa isinagawang survey.
Ang pinakatampok na bahagi ng programa ay ang Turnover Ceremony kung saan pormal na ipinasa ng PSA ang CBMS data sa mga ilang opisyales at kinatawan na nagsipagdalo.
Sa kanilang pagtanggap, ipinahayag ng mga local executives ang pasasalamat at pangakong gagamitin ang datos upang mas epektibong matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
Nagbahagi rin ng summary of CBMS Data ang mga alkalde at kinatawan mula sa iba’t ibang LGU sa Zambales, na nagbigay ng lokal na perspektibo sa mga resulta ng survey.
Sa pagtatapos ng programa, lubos ang pasasalamat ni PSA Zambales Chief Statistical Specialist Norman L Bundalian sa lahat ng dumalo sa seremonya. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / MITCH SANTOS)


Leave a comment