Ang Pahayagan

Pahayag ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Region III Union para sa Pandaigdigang Araw ng mga Guro (World Teachers’ Day)

Sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng mga Guro ngayong Oktubre 5, 2025, ang mga kaguruan ng rehiyon ay hindi lamang nagdiriwang kundi muling nagpapatindig ng panawagan para sa karapatan, dangal, at makabuluhang pagbabago sa edukasyon.

Nakibahagi ang mga guro at ang bagong halal na pamunuan ng ACT Region III Union sa 17th Congress ng ACT Philippines na idinaos sa mismong araw ng World Teachers’ Day, Oktubre 4–5, 2025. Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa na may nakatayong unyon ng mga guro. Sa pagtitipon, naglunsad ang mga guro ng press conference at 50K formation—isang makasaysayang pagkilos na sumisigaw ng pangunahing kahilingan:

₱50,000 entry-level salary para sa mga pampublikong guro!

Muli naming ipinaaalala sa pamahalaan: hindi dapat tipirin ang sektor ng edukasyon. Habang patuloy ang krisis sa kabuhayan, kakulangan ng classroom, kagamitang pangturo, at mababang sahod—lalong lumalalim ang pagdurusa ng mga guro at mag-aaral. Hindi solusyon ang pagtitipid at pagbawas ng pondo sa edukasyon habang lumolobo naman ang pondo sa militar at mga proyektong pinagmumulan ng korapsyon.

Mariin ding tinutuligsa ng mga guro ng ACT Region III ang neoliberal na mga patakaran sa edukasyon na nagtutulak sa komersyalisasyon ng paaralan, contractualization ng mga guro, at paglalagay ng edukasyon sa ilalim ng merkado imbes na ituring bilang batayang karapatan ng mamamayan. Ang edukasyon ay hindi negosyo—ito ay tungkulin ng estado para sa bayan!

Panawagan ng ACT Region III Union:

Dagdag na sahod para sa mga guro at kawani ng edukasyon!

Sapat na pondo para sa edukasyon, hindi sa korapsyon!

Ibasura ang neoliberal na mga patakaran sa edukasyon!

Igalang ang karapatan ng mga guro sa malayang pag-oorganisa at kolektibong pagkilos!

Ayon kay Doc. Amelia Serdeña, Regional Chairperson ng ACT Region III Union,

“Hindi tunay na selebrasyon ang World Teachers’ Day kung nananatiling lugmok sa kahirapan ang mga guro. Ang pagkakaisa at pagkilos ng mga guro sa buong bansa ay malinaw na mensahe sa pamahalaan—taasan ang sahod, pondohan ang edukasyon, at itigil ang mga patakarang nagpapabaya sa karapatan ng mamamayan.”

Ngayong World Teachers’ Day, ipinagdiriwang namin ang aming propesyon hindi sa tahimik na pagtanggap ng kakulangan, kundi sa mapagkaisang paninindigan para sa karapatan, makatarungang kabuhayan, at de-kalidad na edukasyon para sa lahat.

Pondo sa edukasyon, hindi sa korapsyon!
Sahod itaas, dignidad ibalik!
Ibasura ang neoliberal na patakaran sa edukasyon!
ACT Region III – Sama-sama para sa Edukasyon at Katarungan!

Leave a comment