BATAAN– Nagbabala ang Nuclear-Free Bataan Movement (NFBM) na isa umanong “sadyang minali” ang lumabas na survey gayundin ang bagong naipasang atomic energy law na lumilikha ng ilusyon ng kaligtasan at pagsang-ayon na naglalagay sa panganib sa mga komunidad.
Ang babala nakasaad sa pahayag NFBM matapos lumabas ang isang survey na nagsasabing mahigit 70% ng mga Pilipino ang sumusuporta sa nuclear power at sa bagong pasang Philippine Atomic Energy Regulatory Act (PHILATOM).
Sinasabi ng grupo na ginagamit umano ito bilang istratehiya upang mapabilis ang muling pagbuhay ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) at pagtatayo pa ng mga bagong planta nuclear sa bansa.
“A survey cannot contain a radioactive leak. A new law cannot prevent a disaster,” saad ni NFBM Chairperson Atty. Dante Ilaya.
Anila ginagamit umano ang isang poll survey na naka-highlight lamang sa mga benepisyo at minaliit ang mga posibleng sakuna sa pagpapatakbo ng isang nuclear plant gaya ng trahedyang naganap sa Chernobyl sa Russia at Fukushima sa bansang Japan.
Naninindigan ang NFBM na ang survey, na pinaniniwalaan nilang kinomisyon ng Department of Energy (DOE), ay bigong maipakita nang sapat ang malalang kahihinatnan ng mga aksidenteng nuklear, pangmatagalang radioactive waste, at ang napakalaking gastos sa operasyon nito
Iginiit ng kilusan na layon umano ng nasabing survey na lumikha ng isang binaluktot na opinyong publiko.
Ang grupo ay nananawagan para sa isang agarang paghinto sa tinatawag nitong “nuclear fast-track” at hinihingi anila ang isang tunay pambansang talakayan kaugnay mga usapin hinggil sa enerhiya ng bansa.
📸 NFBM


Leave a comment