Ang Pahayagan

Pag-asa sa Gitna ng Kalayaan: Traveling Exhibit sa Masinloc binuksan na

ZAMBALES–Pormal nang binuksan ang Pag-asa sa Gitna ng Kalayaan: Traveling Exhibit and Lecture sa Masinloc Municipal Hall nitong Huwebes, Setyembre 25.

Pinasinayaan ito sa pamamagitan ng ribbon cutting ceremony na pinangunaha nina Masinloc Mayor Hazel Lim, Zambales Governor Hermogenes E. Ebdane Jr., dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio T. Carpio, National Historical Commission of the Philippines Executive Director Carmina R. Arevalo, Zambales Board Member Atty. Reena Mae Collado at Masinloc Vice-Mayor Senyang Lim.

Tampok sa nasabing exhibit ang mga larawang kuha ni Paul Quiambao, isang tanyag na litratista na nakilala sa kanyang mga obra na nagpapakita ng kasaysayan, kultura, at pambansang identidad ng Masinloc.

Kabilang rin sa exhibit ang Cartographic treasures mula sa National Library, miniature model ng BRP Sierra Madre at Original Freedom Land Flag of Admiral Cloma.

Layon ng nasabing exhibit na gamitin itong oportunidad para sa mga mamamayan ng Zambales, partikular sa bayan ng Masinloc na maging maalam sa kamalayan at pagmamahal sa bayan, lalo’t higit sa usaping may kinalaman sa pambansang soberanya at kalayaan.

Nagbigay din ng kanyang lektura si Justice Carpio kaugnay sa pinagtatalunang mga isyu sa West Philippine Sea.

Ang aktibidad ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 87 series of 2025, na nagsasaad ng “Directing All Government Agencies and Instrumentalities, and Encouraging Local Government Units and the Private Sector, to Promote Awareness of the Philippines as a Maritime and Archipelagic Nation.”

Magkatuwang ang lokal na pamahalaan ng Masinloc at Zambales at ang NHCP sa pagtataguyod sa proyektong ito.

Mula noong 2024, ang NHCP ay aktibong nagsasagawa na ng kampanya ng pagpapalaganap ng impormasyon para sa kamalayan kaugnay sa WPS. Gamit sa mga exhibit ang mga larawang kuha ng photographer na si Paul Quiambao.

📸  Zambales for the People

Leave a comment