Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na busisiin din ng gobyerno ang posibilidad na maghain ng mga kasong tax evasion laban sa mga contractor na nasa likod ng mga diumano’y ghost projects.
Sinabi ito ni Cayetano sa gitna ng kanyang interpellation kay Senador Panfilo “Ping” Lacson na nagbigay ng privilege speech nito tungkol sa umano’y mga pekeng proyekto at katiwalian sa pondo ng imprastruktura.
Paliwanag ni Cayetano, tumatagal ng maraming taon bago matapos ang mga kaso ng plunder o graft. Pero pwede pa ring papanagutin ang mga tiwaling contractor gamit ang mga kaso kaugnay ng buwis.
“‘Pag hindi mo mahuli [ang isang tao] sa murder, sa smuggling, sa prostitution, pero kitang-kita y’ung [paggastos niya ng] pera, pwede din natin dalahin ‘yan sa tax evasion,” wika niya.
Giit pa niya, dapat sana ay iniimbestigahan at ina-audit ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga contractor na tumatanggap ng bilyon-bilyong piso mula sa mga kuwestiyonableng proyekto.
Ayon sa senador, sumulat na siya sa BIR para tanungin kung nag-isyu ito ng Letters of Authority (LOA) sa mga naturang kumpanya sa nakalipas na tatlong taon. Ang LOA ay nagbibigay sa mga revenue officers ng kapangyarihan na suriin at i-audit ang mga books of accounts ng isang taxpayer upang matukoy ang kanilang mga tamang pananagutan sa buwis.
“In the last three years kaya, itong mga nakakakuha ng bilyon-bilyon, na-issue-han kaya ito ng LOA ng BIR? And if yes, ano y’ung resulta? Kasi kung ghost, makikita mo sa audit,” wika ni Cayetano.
Dagdag niya, mahalaga ang estratehiyang ito para hindi makalusot sa pananagutan ang mga nasa likod ng ghost projects kahit ma-delay o maharang ang mga kasong katiwalian.
“We have to take away that culture and replace it with one that doesn’t promote corruption,” wika niya.


Leave a comment