Ang Pahayagan

FLOOD CONTROL AT KARAPATANG PANTAO: PANAWAGAN PARA SA SOLUSYON   

Tuwing bumabaha, teknikal na solusyon ang laging tugon—drainage, floodgates, imprastruktura. Ngunit sa ilalim ng rumaragasang tubig, nakalubog ang mas malalim na isyu- ang karapatang pantao. 

Ayon sa IRDF, mahigit ₱920 bilyon ang pinsala mula 2022–2025. Sa kabila ng ₱545 bilyong pondo para sa halos 10,000 proyekto, nananatiling bulnerable ang mga komunidad. Hindi sapat ang mga engineering intervention kung hindi isinasaalang-alang ang dignidad, kaligtasan, at partisipasyon ng mamamayan. 

KARAPATANG MABUHAY AT KALIGTASAN   

May mga floodgates na idineklarang “completed” pero hindi gumagana. Sa ganitong kalagayan, hindi lang imprastruktura ang bumabagsak—pati tiwala ng taumbayan. Ang kawalan ng transparency ay paglabag sa karapatan ng mamamayan. 

Sa ulat ng ABS-CBN at PCIJ, ₱25.2 bilyon ang napunta sa iisang pamilya ng kontratista, habang ₱8.6 bilyon lang ang para sa housing. Kailangang isabatas ang mas mahigpit na community audit at participatory monitoring

Hindi dapat batayan ng serbisyo ang lokasyon o koneksyon. Sa Metro Manila, ₱52.6 bilyon ang inilaan para sa 1,057 proyekto, pero baha pa rin. Samantala, kulang sa pondo ang mga probinsyang higit na bulnerable. Dapat isulong ang regional equity at climate-resilient planning

PANANAGUTAN NG PAMAHALAAN   

Nananawagan ang taumbayan ng makatao, makatarungan, at transparent na flood control system. Sa ilalim ng House Resolution No. 145, isinusulong ang transparency tools, procurement safeguards, at legislative reforms. Hindi ito simpleng reporma—ito ay panawagan para sa hustisya. 

At huwag kalimutan: may pananagutan din ang kasalukuyang administrasyon. Hindi sapat na sabihing ito’y minana lamang. Sa loob ng ilang taon ng pamumuno, imposibleng hindi pa ito naabot sa kanilang kaalaman. Kung walang aksyon, tahimik lang na lalampas ang krisis. Sa Bagong Pilipinas, ang pananagutan ay obligasyon, hindi opsyon. Kung hindi maririnig ang boses ng komunidad, paulit-ulit ang pagkabigo. 

Leave a comment