Ang Pahayagan

Cayetano: Mga Pilipino ‘pagod na pagod na’ sa korapsyon

“Pagod, na pagod, na pagod, na pagod na.”

Ito ang paglalarawan ni Senator Alan Peter Cayetano sa nararamdaman ng mga Pilipino kaugnay ng paulit-ulit na katiwalian sa bansa.

Sa kanyang Facebook livestream nitong Lunes, September 1, sinabi ni Cayetano na tila “lagnat” ang problema ng korapsyon: kung hindi pa tataas nang todo ay hindi pa matutugunan.

“Akala natin na-solve na ‘yan noong panahon ni ganito. Next admin, ganito naman. So parang, ‘Wala ba itong katapusan?’” aniya.

“Kung hindi pumutok ito, baka walang pagbabago,” dagdag pa ng senador.

Bilang halimbawa, muling binanggit ni Cayetano ang isyu ng double appropriations sa budget ng DPWH na tatlong taon na niyang inuungkat sa mga pagdinig pero nandoon pa rin.

“Sa hearing ng Blue Ribbon Committee, pinakita ko na taun-taon may double appropriation. Ibig sabihin, kapag sinabing ‘Project ABC’ [amounting] P100 million, dalawang beses lumalabas sa budget iyan na parehong-pareho,” paliwanag niya.

“Sinasabi nila, pagkakamali lang sa pagkasulat. But every year, tumataas imbes na bumababa… Tatlong taon po [akong nagsasalita], walang nakikinig,” dagdag niya.

Naniniwala si Cayetano na makakawala lang tayo sa ganitong “cycle” kung mata-target ang “source” ng “lagnat” – ang kawalan ng tamang “values”.

“Ang crisis natin ngayon really is a crisis of values, of character, of who we are as a people,” aniya.

Imbes aniya na simpleng paghingi lang ng tawad ay dapat matuto ang lahat na akuin ang pagkakamali at talikuran ang dating gawi.

“Kung ang sorry ay ‘Sorry, nahuli kami,’ that’s not enough,” aniya. “Y’ung repentance that leads to reformation and reforms should be there.” (PR)

Leave a comment