Ang Pahayagan

HR Group dismayado sa pag-absuwelto sa suspek sa pagpatay sa Dutch missionary

PAMPANGA– Nagpahayag ng matinding pagkaalarma ang grupong Karapatan Central Luzon kaugnay sa desisyon ng Korte Suprema na i-absuwelto ang dating hinatulan sa pagpatay sa aktibistang Dutch at misyonerong si Willem Geertman.

“Ang pagpapawalang-sala na ito ay hindi lamang isang legal na maniobra—ito ay isang malalim at masakit na pagtataksil sa pamilya at mga kasamahan ni Geertman, na mahigit isang dekada nang naghintay at nakipaglaban para sa hustisya,” saad sa statement ng Karapatan GL.

Anila, isang matinding pagkabigo at nakakagalit ang desisyong ito na sa pakiramdam nila ay inabandona ng isang sistema at muling binabalewala ang alaala ng kanilang mahal sa buhay at ang layunin kung saan inialay niya ang kanyang buhay, patungkol kay Geertman.

Naghayag din ng pagkadismaya sa desisyon si Au Santiago, Secretary General of BAYAN Central Luzon at long-time partner din ni Willem. “Ang pagpapawalang-sala na ito ay parang pangalawang pagpatay, sa kanyang alaala, at ng ating pag-asa para sa hustisya.”

Si Willem Geertman ay executive director ng Alay Bayan Inc., binaril ito sa loob ng kanyang opisina noong Hulyo 3, 2012. Siya ay kilalang environment and human rights advocate na nagtatrabaho sa mga marginalized community sa Central Luzon.

Nitong nakalipas na linggo ay pinawalang-sala ng Korte Suprema si Marvin Nuguid, ang lalaking naunang hinatulan ng pagpatay kay Geertman sa Angeles City. Ito ay dahilan umano “glaring inconsistencies” sa testimonya ng mga testigo ng prosekusyon.

Batay sa nakasaad sa desisyon ng Mataas na Hukuman na inilabas noong Mayo 7, hindi positibong natukoy ng mga testigo na si Nuguid ang may kasalanan.

Ipinag-utos din ng korte ang agarang pagpapalaya rito maliban na lamang kung mayroon iba pang kinakaharap na ligal na kadahilanan. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

Leave a comment