Ang Pahayagan

Naka-ambang demolisyon sa Abacan tinututulan ng mga residente

Nanawagan ang mga miyembro ng Nagkakaisang Mamamayan ng Abacan Laban sa Demolisyon (NAMALAD) na ihinto ang demolisyon ng mga kabahayan sa kanilang komunidad para bigyang-daan ang umano’y proyektong beautification at road network sa lungsod ng Angeles.

Ayon sa isinagawang pulong-balitaan sa Pampang 4B, nanawagan sila sa LGU ng Angeles City na itigil ang napipintong demolisyon at kilalanin ang karapatan ng mamamayan para sa disenteng paninirahan.

“Gutom kami sa karapatan na magkaroon ng disenteng tahanan na masasabing pag-aari namin,” ani Amparo Dacalos, tagapagsalita ng NAMALAD. 

Wala din umanong katotohanan ang sinasabing nasa “danger zone” ang kanilang lugar na mahigit dekada na anilang tinitirhan at hindi din umano umaapaw ang ilog sa kanilang mga bahay.

Giit ng NAMALAD, may mga naunang proyekto na ng  pagpapatibay ng pampang ng ilog na dapat sana’y paunlarin pa. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

Leave a comment