Ang Pahayagan

UNO, DOS, TRES: ANG MULING PAGDALOY NG MALIKHAING SINING AT KULTURA   

Isang makulay na pagdiriwang ng malikhaing sining at kulturang Pilipino ang muling gaganapin sa Olongapo sa pamamagitan ng “UNO, DOS, TRES: Ang Muling Pagdaloy,” na inihahandog ng SinKuTao at Sining Layag.

Tampok sa apat na araw na artisan fair ang mga likhang-sining na sumasalamin sa tradisyon, inobasyon, at malikhaing diwa ng mga lokal na alagad ng sining. Mahigit 22 artists ang magtatanghal ng kanilang obra sa art and trade exhibit, kabilang ang live tattoo sessions na tiyak na hahanga ang mga bisita. 

Mula banda, DJ sets, spoken poetry, masining na pagbasa, hanggang open jam sessions—inaasahang magiging masigla at makabuluhan sa bawat gabi ng fair na gaganapin mula Agosto 23 hanggang 26 sa SM City Central Olongapo. 

May mga limitadong slots din para sa mga workshop at lecture gaya ng Baybayin writing, healing through art, paggawa ng wind chimes, paper-making, at artisan candles gamit ang organic materials. Lahat ng ito ay bahagi ng layuning “For a Cause,” upang palalimin ang kaalaman at pagpapahalaga sa sining bilang kasangkapan sa paghilom at pag-unlad. 

Ang aktibidad ay ang unang pagsasanib-puwersa ng SinKuTao at Sining Layag, ikalawang yugto ng SinKuTao, at ikatlong pagdaloy ng Sining Layag, na sinasabing patunay na ang sining ay buhay, gumagalaw, at patuloy na nag-uugnay sa komunidad. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

Leave a comment