Ang Pahayagan

Ang pagbibigay-linaw ni Leo A. Abella – Acting Chief of Bay Service, Port of Subic sa ginanap na “Talakayan sa Freeport” hinggil sa mga proseso ng Bureau of Customs ay isang positibong hakbang tungo sa mas bukas at epektibong pamahalaan.

Sa panahon kung saan mahalaga ang tiwala ng publiko, ang ganitong mga talakayan ay nagsisilbing tulay sa pagitan ng mga ahensya at ng komunidad. 

Ang pagbibigay-diin sa digitalization at transparency ay nagpapakita ng pagsabay ng BOC sa modernong panahon. Gayundin, ang pakikipag-ugnayan sa SBMA at iba pang stakeholders ay mahalaga upang mapanatili ang maayos na daloy ng kalakalan sa Subic Port. 

Kabilang sa mga inilatag na programa ng BOC na inilahad ni Abella ang mga sumusunod: 

1. PAGBANTAY SA SMUGGLING AT ENFORCEMENT MEASURES. 

– Palalakasin pa ang mga operasyon laban sa smuggling, kabilang ang mas mahigpit na inspeksyon at intelligence coordination. 

– Target ang mga sindikato at ilegal na aktibidad sa mga daungan upang maprotektahan ang lokal na industriya. 

2. PAGPAPABILIS NG PROSESO SA TRADE FACILITATION. 

– Kasama ang PHLPost, nilagdaan ang kasunduan para sa mas mabilis na clearance ng mga padala at import/export goods. 

– Layunin nitong pasimplehin ang mga dokumento at kontrol sa seguridad ng mga kalakal. 

3. DIGITALIZATION AT MODERNISATION. 

– Patuloy ang pagbuo ng mga bagong sistema para sa online processing, tracking, at automation ng customs procedures. 

– Inaasahang babawasan nito ang red tape at mapapabilis ang serbisyo sa mga importer/exporter. 

4. PAGTAAS NG REVENUE COLLECTION TARGET. 

– Itinaas ang target collection ng BOC sa ₱1.1 trilyon para sa taong 2026, ang pinakamataas sa kasaysayan ng ahensya. 

ANO NAMAN ANG PLANO SA MGA NAKUMPISKANG GULAY AT MACKAREL SA SUBIC PORT?

Noong Hulyo 8, 2025, nagsagawa ng pinagsamang inspeksyon ang Bureau of Customs (BOC), Department of Agriculture (DA), at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa Port of Subic.

Sa operasyon, natuklasan ang maling deklarasyon ng mga produktong agrikultural sa 10 container na idineklara bilang “Chicken Lollipops” ngunit naglalaman pala ng karot, puting sibuyas, at frozen mackerel. 

 Status ng mga Kargamento 

– 31 container ang nananatili sa kustodiya ng BOC, kabilang ang mga gulay at isda na tinatayang may halagang ₱100 milyon. 

– 21 container ang na-release matapos makakuha ng clearance mula sa DA. 

Legal na Hakbang 

– Maglalabas ang Port of Subic ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa mga kargamento. 

May posible daw na mga paglabag sa itinatadhana ng Customs Modernization and Tariff Act, Anti-Agricultural Economic Sabotage Act at Fisheries Administrative Orders 

Posibleng Pamamahagi? 

Bagamat wala pang opisyal na pahayag kung ipapamahagi ang mga nakumpiskang produkto para sa mga biktima ng mga nagdaang bagyo, may precedent na sa ibang port kung saan hinihiling ng DA na ibigay ang ligtas na produkto sa DSWD para sa relief operations.

Kung ligtas na ikonsumo ang mga gulay at mackerel, maaaring isulong ang ganitong hakbang at kailangan pa daw muna ng pahintulot ng DA at BFAR, na nauna nang nagrekomendang ipamigay na ito sa mga nangangailangang biktima ng bagyo at pagbaha.

Turu-turuan muna kung sino ang magdesisyon…

HABANG PATULOY NA MAMAMAHO AT PATUNGO SA PAGKABULOK ANG MGA NAKUMPISKANG PRODUKTO DAHIL WALA PA RING PLANO SA KUNG ANO ANG GAGAWIN SA MGA ITO. 

Leave a comment