Ang Pahayagan

Thermal Luzon Inc. at Quezon provincial govt., lumagda para sa P17.8M Quezon Medical Center Project

Pormal na nilagdaan ang isang kasunduan nitong Huwebes, Hulyo 31 sa pagitan ng Therma Luzon Inc. (TLI), bahagi ng AboitizPower, at Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon para sa TLI 2025 Quezon Medical Center Project, alinsunod sa Provincial Resolution No. 2025-052 na inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon.

Ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) ay isinagawa bilang tugon sa layunin ng pamahalaan na patuloy na mapahusay ang serbisyong medikal para sa mga mamamayan.

Base sa kasunduan, Php 17.8 milyong halaga ng hospital at healthcare equipment ang ipagkakaloob sa Quezon Provincial Hospital Network – Quezon Medical Center (QPHN-QMC).

Kasama sa donasyon ang isang kumpletong endoscopy system na kinabibilangan ng ERCP scope, gastroscope, at endoscopy cabinet na magpapalawak sa kakayahan ng ospital sa pag-diagnose at paggamot ng mga kondisyon sa gastrointestinal system.

Kabilang sa mga opisyal na dumalo sa MOA signing ang mga kinatawan ng AboitizPower na sina Danel Aboitiz, Chief Commercial and Stakeholder Engagement Officer; Ginger Tan Chi, Chief Finance Officer; at Lou Jason Deligencia, AVP for Corporate Services. Pinangunahan naman ni Governor Doktora Helen Tan ang seremonya para sa panig ng pamahalaan.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang naturang donasyon ay malaking hakbang patungo sa mas modernong serbisyong medikal sa Quezon na magbebenepisyo hindi lamang ang mga pasyente ng QMC kundi pati ang buong lalawigan.

Ang proyekto ay patunay ng matagumpay na pagtutulungan ng pribadong sektor at lokal na pamahalaan para sa kapakanan ng mamamayan.

📸Dr. Helen Tan

Leave a comment