Isinusulong ni Senador Alan Peter Cayetano ang pagtatayo ng 24/7 Super Health Centers sa lahat ng lungsod at bayan sa buong bansa para mas mapalapit ang serbisyong medikal sa bawat Pilipino.
Sa kanyang inihaing panukala na “Super Health Centers in All Cities and Municipalities Act” (Senate Bill No. 420), layunin ni Cayetano na palakasin ang primary health care system ng bansa at tiyaking walang Pilipinong maiiwan.
“All Filipinos deserve the best social services. That starts with having access to health care that is both immediate and within reach,” sabi ng senador.
Sa ilalim ng panukala, obligado ang bawat lungsod at bayan na magkaroon ng kahit isang Super Health Center. Ang mga pasilidad na ito ay bukas 24/7 at magbibigay ng agarang lunas para sa mga hindi malubhang kondisyon o mga pasyenteng nangangailangan ng outpatient care.
Ayon kay Cayetano, makatutulong ito para mabawasan ang dagsa ng pasyente sa mga ospital.
“I haven’t seen a shift or a game-changer in the way we look at our health system. Hospitals are overwhelmed with patients everyday… Hopefully, this will ease that burden and help our existing health centers and hospitals,” wika niya.
Ibinida rin ng senador ang Lungsod ng Taguig bilang modelo ng matagumpay na pagpapatakbo ng Super Health Centers.
Sa ngayon, may tatlong health centers na bukas 24 oras sa Taguig na pinangangasiwaan ng mga lisensyadong doktor, nurse, at midwife.
“Taguig is proof that it works. Kung kaya sa Taguig, we should do it in all our cities and municipalities,” sabi ni Cayetano.
Nakasaad din sa panukala na dapat may kumpletong pasilidad ang bawat Super Health Center, kabilang ang mga access-friendly na espasyo para sa mga senior citizen at may kapansanan.
Dapat mayroon din itong sapat na supply ng generic na gamot at bakuna, at maayos na sistema ng pag-iingat sa health records ng mga pasyente.
Ang Department of Health (DOH), katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang naatasang maglabas ng guidelines para sa maayos na pagpapatupad ng panukala at magbigay ng teknikal na tulong sa mga lokal na pamahalaan.
Lahat ng serbisyo sa mga Super Health Center ay dapat accredited ng PhilHealth para siguradong abot-kaya ng mamamayan.
Prayoridad din sa panukala ang pag-hire ng mga kasalukuyang barangay health workers na matagal nang naglilingkod sa kanilang mga komunidad.
Para kay Cayetano, ang serbisyong pangkalusugan ay dapat makatao, batay sa siyensya, at madaling maabot saan mang sulok ng bansa.
“We want to make sure that no Filipino is left behind when it comes to health care. The enjoyment of the highest attainable standard of health must actually be realized for the benefit of every Filipino,” sabi Cayetano. (PR)


Leave a comment