ZAMBALES– Matagumpay na naisagawa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang rescue operation para sa isang fishing vessel na may 17 tripulante, na stranded humigit-kumulang 59 nautical miles hilagang-silangan ng Bajo De Masinloc noong Huwebes, Hulyo 17, 2025.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, PCG Spokesperson for the West Philippine Sea, ang nasabing operasyon ay isinagawa ng BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) kasunod distress call mula sa fishing boat na FB Cassandra na nasiraan ng propeller sanhi ng isang palutang-lutang na troso.
Agad na umaksyon ang PCG dahilan sa ang naturang fishing boat ay na-stranded sa loob ng inaasahang drop zone ng rocket launch test ng China, na naka-iskedyul sa pagitan ng Hulyo 15 at 17.
Bunsod nito ay mabilis na sinimulan BRP Teresa Magbanua ang isang towing operation upang mailayo ang FB Cassandra mula sa itinakdang danger zone.
Sa kabila ng masungit na lagay ng panahon ay nagawang mahatak ng BRP Teresa Magbanua ang fishing boat sa bilis na 9.4 knots pabalik sa Mariveles, Bataan.
Sa panahon ng operasyon, ang isang medical team na sakay ng BRP Teresa Magbanua ang nagsagawa ng inisyal na pagsusuri sa kalusugan ng 17 tripulante upang tiyakin na nasa mabuting pisikal na kondisyon ang mga ito.
Dito ay napag-alaman na ang isa sa mga ito ang nasa hypertensive condition, na nakatanggap ng agaran atensyong medikal.
“The Philippine Coast Guard is unwavering in its commitment to safeguarding the well-being of all Filipino fishermen navigating the West Philippine Sea. This successful operation underscores the dedication and efficiency of our personnel in addressing emergencies at sea” saad ni Tarriela.


Leave a comment