ZAMBALES—Mabilis na sumaklolo ang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) upang tugonan ang isang distress call mula sa fishing vessel na F/B Grey Erron, na nagkaroon ng engine trouble humigit-kumulang 70 nautical miles sa kanluran ng Botolan, Zambales.
Nabatid kay Commodore Jay Tarriela, PCG Spokesperson for the West Philippine Sea, nitong Linggo, Hulyo 13, 2025, ganap na 12:10 PM, nang makatanggap ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) ng ulat hinggil sa bangkang pangisda na nagka-aberya ang makina dahilan sa umano’y clutch disk transmission failure.

Ang naturang fishing vessel ay may lulan na walong tripulante kabilang rito ang isang dumaranas ng pamamaga ng binti dahilan sa arthritis.
Agad na rumesponde ang MRRV-9701 kung saan nakita ang palutang-lutang na fishing boat at kinaumagahan isang Rigid Hull Inflatable Boat (RHIB) ang ipinadala upang magbigay ng agarang suporta rito.
Ang crew ng RHIB ay naghatid ng inuming tubig at tulong medikal sa crew ng fishing boat.
Pansamatala munang inilikas ang may sakit kasama ang dalawang iba pang mga tripulante sa barko ng PCG para sa karagdagang medikal na pagsusuri.
Ang engineering crew ng MRRV-9701 ay nagsagawa din ng mga diagnostic sa F/B Grey Erron upang mai-recharge ang pangunahing baterya ng makina ng sasakyang-dagat at muli itong mapa-andar.
Hulyo 15, 8:00 AM nang ganap na natiyak na pwede na uling gamitin ang fishing boat at ibalik na din ng service boat ang mga tripulanteng pansamantalang inilikas pabalik sa kanilang sariling sasakyang-dagat.
📸 PCG photo and video screengrab


Leave a comment