SUBIC BAY FREEPORT– Pormal na binuksan ang National MSME Week Trade Fair 2025 nitong Miyerkules, Hulyo 9, sa Promenade Area ng Harbor Point Ayala Mall, Subic Bay Freeport Zone.
Ang naturang aktibidad ay itinaguyod ng Department of Trade and Industry (DTI)-Zambales kasama ang mga miyembro at exhibitor mula sa Micro, Small and Medium Enterprise Development Council (MSMEDC) upang itanghal ang mga produktong likha sa lalawigang Zambales at Olongapo City.
Binuksan ito sa pamamagitan ng isang programa at ceremonial ribbon cutting na dinaluhan ng ilang panauhin.

📸 Tinitignan ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chief of Staff Von Rodriguez (kanan) ang isang canned craft beer na gawa ng Pinatubo Brewery sa San Marcelino, Zambales na naka-display sa National MSME Week Trade Fair 2025 sa Harbour Point Ayala Malls sa Subic Bay Freeport zone. Ang isang linggong trade exhibit ay pinasimulan ng Department of Trade and Industry (DTI)-Zambales upang ipakita ang mga produktong lokal.
Sinundan ito ng “Kapihan” press briefing na kung saan nagbigay ulat ang DTI hinggil sa mga isinasagawang proyekto.
Nabatid mula kay DTI Senior Trade Development Officer Cynthia Jaravata na mula Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon ay kumita na ng P1,454,190.00 ang mga isinagawang kahalintulad na trade fair.
Kumita naman ng P760,010.00 ang mga One Town, One Product (OTOP) hubs sa buong lalawigan habang naging tampok din ang nalikhang kita mula sa mga Pasalubong Centers na umaabot sa P2,453, 267.00.
Ang OTOP ay priority stimulus program para sa mga MSME’s upang magpalago sa ekonomiya ng mga lokal na komunidad habang ang mga Pasalubong Centers naman ang nagsisilbing retail outlets na itinatag upang maipakita at maibenta ang mga produktong likha ng mga lokal na MSME’s. (Larawan at ulat para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)
📸 Binuksan sa publiko ang National MSME Week Trade Fair 2025 nitong Miyerkules, Hulyo 9, sa Promenade Area ng Harbor Point Ayala Malls sa Subic Bay Freeport zone. Kasama sa mga panauhin sa okasyon sina (mula kaliwa) Department of Science and Technology Regional – 3 Supervising Science Research Specialist Diana Cecilia Estrella; SMEDC Olongapo officer Ricardo Chua; Harbor Point Ayala Malls Marketing Manager Grace Ignisaban; MSMED Zambales chairman Benjamin Farin Jr.; Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chief of Staff Von Rodriguez; DTI-Zambales Senior Trade and Industry Development Specialist Cynthia Jaravata at Bureau of Jail and Penology (BJMP)-Olongapo CSR and Development Officer JO2 Kenneth Bernadino.


Leave a comment