SUBIC BAY FREEPORT—Magkatuwang na ininspeksyon ng Department of Agriculture, Bureau of Customs at Subic Bay Metropolitan Authority ang 10 container van na pinigil dahilan sa hinalang naglalaman ang mga ito ng smuggled agricultural commodities na idinaan sa Subic Bay Freeport.
Ito ang sinasabing pinakamalaking seizure sa ilalim ng bagong batas na Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Nilinaw ng BOC na 52 lamang taliwas sa naunang ulat na 59 ang kabuuang bilang ng mga naka-flag na container van sa Subic port. Sa 52 container vans, 21 ang na-release na matapos ang masusing pagsusuri at clearance mula sa DA.
Napag-alaman pa sa report ng BOC-Port of Subic na ang 31 na 40-footer containers ang nasa kanilang custody sa kasalukuyan makaraang hindi makalusot sa mga pagsusuri.
Sa inspeksyon na 10 container vans na pawang nagmula sa China, nakitang naglalaman ang mga ito frozen mackerel, sariwang karot, at dilaw na sibuyas—mga produktong pang-agrikultura na nangangailangan ng mga permiso sa pag-importa, at kung hindi awtorisadong ipapasok sa bansa, ito ay isang paglabag sa food safety at customs regulations.
Tinatayang nagkakahalaga ng ₱100 milyon, ang nilalaman ng 10 container van at kung susumahin ang kabuuan ng 31 container van ay maaaring umabot ito sa ilang daang milyong piso.
“Mayroong mga frozen na mackerel, sariwang sibuyas, at carrots—lahat ay ini-import nang ilegal, nang walang kaukulang regulatory clearance,” ani Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr.
“Ang mga produktong ito ay isasailalim sa pagsusuri upang matukoy kung ligtas para makonsumo ng tao. Kung matuklasang hindi angkop, agad ang mga itong sisirain. Ang ating prayoridad ay ang pangangalaga sa kalusugan ng publiko at ang kabuhayan ng ating mga magsasaka at mangingisda,” pagdiin pa ng Kalihim.
Ang isang 40-footer container van ay karaniwang naglalaman ng humigit-kumulang sa 25 tonelada ng kargamento. (Larawan at ulat sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)


Leave a comment