Muling isinulong ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Huwebes na ayusin ang aniya’y watak-watak na sistema ng edukasyon sa bansa sa pamamagitan ng pagtatatag ng Third Congressional Commission on Education o EDCOM III.
Inihain ni Cayetano nitong July 3, 2025 ang panukalang EDCOM III Act na layong bumuo ng isang coordinating body kung saan pagsama-samahin ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Isa ito sa mga priority bill ng senador para 20th Congress.
Bagama’t parliamentary-style ang magiging sistema ng EDCOM III, tiniyak ni Cayetano na hindi nito tatanggalin ang independence ng bawat ahensya.
Sa halip, mas magiging masinop aniya ang ugnayan sa pagitan ng mga pinuno ng tatlong ahensya, mga mambabatas, mga local government unit (LGU), at iba pang education stakeholders, mula pagbuo ng batas hanggang sa aktwal na pagpapatupad.
Co-chair ng Commission ang apat na chairperson ng Senado at Kamara para sa mga komite ng Basic Education, Arts and Culture, at ng Higher, Technical, and Vocational Education.
Magkakaroon din ng Advisory Support Council (ASC) na binubuo ng mga kinatawan mula sa akademya, business sector, parents’ associations, LGUs, at civil society groups.
Kabilang sa mga pangunahing tututukan ng EDCOM III ay ang lumalalang learning crisis, mataas na dropout rate, kakulangan sa digital infrastructure, malnutrisyon o stunting sa kabataan, at workforce mismatch.
Layon din ng panukala na gamitin ang mga makabagong teknolohiya gaya ng artificial intelligence para mas maging angkop sa pangangailangan ng industriya ang sistema ng edukasyon.
Hindi kontra sa Cabinet Cluster for Education Ayon kay Cayetano, hindi kakumpetensiya kundi magiging kaakibat ang EDCOM III ng isa pa niyang panukala, ang Education Cabinet Cluster, na inaprubahan na rin “in principle” ng Pangulo.
Sa ilalim ng Cabinet Cluster, pagtutulung-tulungan ng mga executive agency na may kinalaman sa edukasyon at labor ang mas maayos na implementasyon ng mga programang pang-edukasyon.
Samantala, EDCOM III naman ang tututok sa long-term planning, policy development, at oversight mula sa Kongreso. Permanente rin ito, hindi gaya ng mga Cabinet Cluster na nakadepende ang tagal sa nakaupong Pangulo.
Unang inihain ni Cayetano ang panukalang EDCOM III noong 19th Congress matapos niyang magsilbing co-chair ng EDCOM II.
Ayon sa pag-aaral ng EDCOM II, isang salik sa magulong sistema ng edukasyon sa bansa ay ang hindi magkakatugmang programa at reporma sa DepEd, CHED, at TESDA.
Giit ni Cayetano, mahalaga ang pagkakaroon ng iisang vision para sa edukasyon at mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng lehislatura at mga ahensya ng gobyerno.
“The urgency of this reform cannot be overstated,” aniya.
“If we are to produce a globally competitive workforce and make education the true driver of national development, we need decisive, coordinated action,” dagdag niya.
Co-author ng panukala sina Senate President Francis “Chiz” Escudero, Senator Pia Cayetano, at Senator Joel Villanueva, na commissioner din ng EDCOM II.
Sa kanyang explanatory note, inangkla rin ni Cayetano ang panukala sa isang Biblical principle mula sa Galatians 6:7: “Kung ano ang itinanim, siyang aanihin.”
“By laying the groundwork for a truly cohesive and responsive education system, we aim to transform the nation by building the right foundations,” aniya. (PR)


Leave a comment