Ang Pahayagan

PAMALAKAYA tutol sa panukalang ammo facilities sa Subic Bay

ZAMBALES– Nagbabala ang isang organisasyon ng maliliit na mangingisda na possible umanong magdulot lamang ng panganib sa pambansang seguridad at soberanya ng bansa maging sa marine ecosystem ang panukala sa United States Congress na maglagay ng pasilidad para sa paggawa at pag-iimbak ng bala at amunisyon sa dating base militar ng Estados Unidos sa Subic Bay, Zambales.

Sa isang pahayag ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) na inilabas nitong Hunyo 30, nakasaad rito na ang planong pasilidad ng U.S. ay maaaring “maglagay sa Pilipinas sa mga banta sa seguridad, at magsisilbing target din ng mga kalabang bansa ng Estados Unidos.”

“Tiyak naman na ayaw nating makita ang ating sarili sa gitna ng isang digmaan sa pagitan ng Estados Unidos at alinman sa mga katunggaling bansa nito,” ayon kay Fernando Hicap, national chairperson ng PAMALAKAYA.

Sinabi ni Hicap na walang nakikitang katwiran ang grupo para sa panibagong pagpapalawak ng presensyang militar ng US sa bansa makaraan na paalisin ng Pilipinas ang mga dayuhang base noong 1992.

Nagbabala rin ang PAMALAKAYA na ang iminungkahing pasilidad ng armas ay maaaring magdulot ng pinsala sa kapaligiran at makagambala sa kabuhayan ng mga komunidad ng mangingisda malapit sa Subic Bay.

“Ito ay magiging banta sa kabuhayan ng mga mangingisda dahil sa mga posibleng nakakalason na basurang kemikal mula sa mga bala at pabrika ng armas na maaaring itatapon sa tubig,” dagdag pa ni Hicap. Hinimok ng grupo ang publiko at mga mambabatas na Filipino na tanggihan ang panukalang anila’y “forward-staged” military installation ng U.S., dahilan sa hindi naman ito magsisilbing kapakinabangan para sa ordinaryong mamamayan.

Leave a comment