Ang Pahayagan

Gov. Ebdane, Nanawagan ng Pagkakaisa para sa Mas Mapanghamon na Hinaharap ng Zambales

ZAMBALES — Pormal na nanumpa si Governor Hermogenes E. Ebdane Jr. sa kanyang ikatlong termino nitong Lunes, Hunyo 30, sa Botolan People’s Plaza.

Sa kanyang talumpati, binalikan ni Gov. Ebdane ang 15 taon ng pamumunong naghatid ng pagbabago para sa lalawigang Zambales. Hinikayat niya ang kapwa lingkod-bayan at mga mamamayan na magkaisa at magpatuloy sa pagbuo ng isang lalawigang mas maunlad, inklusibo, at matatag sa harap ng anumang hamon.

Ibinida ng gobernador ang mga pangunahing nagawa ng kanyang administrasyon, partikular sa kalusugan, edukasyon, agrikultura, imprastraktura, at serbisyong panlipunan. Kabilang dito ang patuloy na pag-upgrade ng mga ospital, pagpapalawak ng educational assistance, pagtatag ng Zambales Green Mango Valley, at pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap na pamilya.

Ibinahagi rin ni Gov. Ebdane ang aniya’y leadership framework na nakatuon sa tatlong haligi: resources, processes, at priorities. Binanggit niya ang mabilis na pagtugon ng lalawigan noong pandemya at ang patuloy na pagbibigay-halaga sa kalusugan, edukasyon, imprastraktura, at inclusive growth.

Aniya, ang tagumpay ng Zambales ay bunga ng disiplinado at matalinong pamumuno.

Sa pagharap sa mga bagong hamon, nanawagan ang gobernador sa mga lider at mamamayan ng Zambales na yakapin ang mga katangiang dapat taglayin ng makabagong lider: pagiging mabilis umaksyon, bukas sa pagbabago, makabago sa pag-iisip, may malinaw na pananaw sa hinaharap, at gumagamit ng datos sa pagpapasya.

Ayon kay Ebdane, kailangang maging handa ang pamahalaan sa mas mabilis na pagbabago ng panahon.

Sa pagtatapos, taos-pusong nagpasalamat ang gobernador sa tiwala ng kanyang mga kababayan at nanawagan ng pagkakaisa. “Ang ating pinakamahalagang gawain ay nasa hinaharap pa, panahon na upang mamuno nang higit sa karaniwan — ngayon na,”ani Ebdane. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan/ JUN DUMAGUING)

Leave a comment