Ang Pahayagan

Reklamo ng mga nabudol ng kapwa negosyante

Ibinulgar ng isang grupo ng mga negosyante ang umano’y modus ng isang Zambales trader na nagkumbinsi sa kanila na maglagak ng pondo para sa mga umano’y bidding projects ng gobyerno kung saan umaabot sa halagang P66 Milyon ang nakolekta sa kanila at hindi na naibalik ang kanilang perang naiambag.

Ang reklamo ay inihayag kamakailan sa isang pulong balitaan na nadaluhan ng Blak Ay na ginanap sa isang restaurant sa Subic Bay Freeport. Humarap sa nasabing press conference ang grupo nina Theresa M. Tenazas, Annabelle E. Rivera, Jocelyn Manalad, Jonalyn Ynares, Maricel B. Narra, Pinky delos Santos, Liberty S. Prado at Claro Ebelte, bitbit ang kopya ng mga umano’y talbog na tseke, mga promissory notes at kanilang notaryadong salaysay.

Layon nila na mailahad ang kanilang apela upang maibalik ang kanilang mga pera gayundin ang mailantad sa publiko ang anila’y istilo ng pagkuha ng pera nang sa gayun ay hindi na makapambiktima ng iba pang tao.

Kasama sa inihayag nilang reklamo ang umano’y pag-iisyu ng mga tseke na pawang “luma, walang pondo na tinanggihang tanggapin para ideposito sa bangko.”

Ang modus

Lahad ng abogadang si Tenazas na tubong Oriental Mindoro, Oktubre 2021 nang makilala niya ang isang Ramon Fernandez na nagpakilala umanong nasa trading business sa mga public bidding and procurement projects sa mga local government units (LGUs) sa lalawigan ng Zambales at Bataan.

Nagpakilala umano ito bilang supplier ng mga essential goods tulad ng bigas, canned goods, asukal at iba pang basic goods na kailangan ng mga LGU relief and assistance programs.

Dahilan mga ipinakitang Notice of Award at Notice to Proceed o Purchase Order ay nakumbinsi si Tenazas na mag-ambag ng pondo para sa mga proyekto ni Fernandez.

Sa umpisa ay nagbigay c Tenazas ng 500,000 pesos noong December 2022, at dahil na din sa masugid na pagkumbinsi ay muli siyang nagdagdag ng ambag na umabot sa halagang P5,200,000.00.

Pinangakuan aniya siya ni Fernandez na ibabalik ang pera sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan kapag nakasingil na mula sa proyekto. Nangako din umano ito na kapag hindi naibalik ang pera ay magbibigay siya ng 5% bilang interes bilang kabayaran sa pagka-antala hangga’t hindi pa naibabalik ang perang ambag.

April 2023 sa payo na din ng kanyang asawa nang magpasya si Tenazas na bawiin na ang pera na kanyang ipinagkatiwala kay Fernandez. Binigyan umano ng anim na buwan o hanggang October 2023 upang maibalik na ang kabuuan perang ambag.

Oktubre 2023 ay nagbigay umano ito ng P1,000.000.00 bilang partial amount at nanangko pa na magbabayad kapag natapos ang isang “big project” sa December 2023 na nangangailangan umano ng malaking pondo.

Maging ang pangakong 5% interest sa kanyang pera ay nagkaroon na ng pagka-delay at noong Abril 2024 ay tuluyan na itong hindi nakapagpadala ng bayad bagkus pawang pangako lamang ang sinasabi sa kanya hanggang nitong Hunyo 2025.

Pebrero 21, 2025 nang muling maka-usap ni Tenazas at iba pang nag-ambag sa proyekto ni Fernandez sa isang coffee shop sa Quezon City kung saan nangakong muli ang huli na magbabayad sa kanila kapag aniya na-release na ang kanyang loan sa Landbank ay ibabalik na niya ng buo ang kanilang mga ambag.

Nag-issue din umano ito ng ilang post-dated Metrobank checks, kabilang na na may nakasaad na P4,500,000.00 para kay Tenazas na nakapetsang Marso 15, 2025. Subalit nang iprisinta umano ito sa banko ay ibinalik ito na markado ng ‘Account Closed.

Iba pang mga nabudol.

Sa notaryadong Affivadit-Complaint naman ni Annabella Rivera, isang retiradong empleyado ng gobyerno at residente ng Quezon City, nakilala niya si Fernandez sa pamamagitan ng isang kaibigan. Ipinagkatiwala aniya rito ang perang umabot sa halagang P26,850,000.00 na napagkasunduan nilang gagamitin sa pagkuha umano ng proyekto sa LGU’s at iba pang sangay ng gobyerno sa Olongapo at Zambales.

Sinabi ni Rivera na napagkasunduan nila ni Fernandez na hanggang dalawang buwan lamang hihiramin ang perang kinuha sa kanya noong 2023 subalit dumating aniya ang takdang araw at nakiusap ulit ito na paabuting na sa katapusan ng taon para makuha pa niya ang mga projects na Christmas Packages.

Pawang pangako umano ang ibinibigay ni Fernandez tuwing sisingilin at pakiwari niya ay inabuso na ang tiwalang ibinigay rito dahilan sa mga inisyung cheque na wala naman umanong pondo o di kaya ay closed account at obsolete checks.

Sa Sworn Affidavit naman ni Jonalyn Ynares na residente ng Caloocan City North, noong Abril 2024 ay nagdesisyon sila na ibenta ang kanyang lote sa Crosswinds Subdivision sa Tagaytay City kay Fernandez at asawa nito.

Naki-usap umano ang mag-asawa na hiramin ang titulo upang makapag-loan sa bangko para mabayaran ang lote sa halagang P9,000,000.00. Pumayag naman aniya siya na ipahiram ang titulo batay sa kasunduan na tatlong buwan lamang.

Hanggang sa kasalukuyan umano ay hindi natupad ang kasunduan at hindi na din nabalik ang nasabing titulo.

Ang kababayan ni Fernandez at kaklase na si Narra na taga-Sta. Cruz, Zambales ay nagsalaysay din na na-enganyo na maglagak ng ambag sa proyekto ng una.

Hulyo 2024 nang hikayatin si Narra na pondohan ang isang proyekto sa Morong, Bataan kung saan ipinakita umano ni Fernandez ang kopya ng Purchase Order at Notice of Award.

Tinulungan niya umano ito sa proyekto sa pangakong magbabayad subalit hindi nito tinupad.

Nobyembre 2024 nang bigyan sila ni Fernandez ng proyekto sa DTI at SBMA na pinondohan  nina Narra at Rivera.  SInabi umano ni Ramon na ang mga ito ay singilin pa sa SBMA subalit nang mag-saliksik si Narra ay nalaman niya na pawang nabayaran na ang mga ito noon pang Enero 20, 2025 at Mayo 9, 2025.

Bunsod nito ay nagpasya nang magsampa ng kaso si Rivera laban kay Fernandez.

Reklamong idinulog na sa barangay.

Abril 22, 2025 nang magkakasamang nagsadya sa Tangggapan ng Punong Barangay ng San Isidro, Subic, Zambales ang siyam na nagrereklamo laban kay Fernandez. Dito ay binigyan na sila ng sertipikasyon na magsampa ng reklamo direkta sa hukuman.

Nabatid pa na naniniwala ang mga naging biktima na hindi nag-iisa si Fernandez sa panloloko sa kanila sa dahilang malimit na sinabi umano nito sa kanila na may mga kasamahan siya at may tinatayo itong corporation.

Ayon sa pinakahuling impormasyon nakalap mula mga biktima, naghahanda na din silang makipag-ugnayan sa tanggapan ng National Bureau of Investigation upang magsampa ng reklamo laban kay Fernandez.

“Ang gusto lang namin mabalik ang aming mga perang ipinagkatiwala sa kanya dahil kami ay mga maliliit na tao din lamang, ayaw naman namin na basta na lamang mawala ang aming mga naimpok sa mahabang panahon. Gusto din naming na malaman ng publiko ang ganitong mga modus para hindi na lumaganap pa,” sambit ni Tenazas.

Tinangkang kunin ng mga mamamahayag ang panig ni Fernandez sa pamamagitan ng text messages at tawag sa telepono subalit walang katugunan mula sa kanya.

Patuloy na aabangan ng pitak na ito ang kahihinatnan ng istoryang ito. Hindi pinapayagan ng Blak Ay ang ganitong klase ng mga modus kung totoo man, lalo’t higit kung nakakaperwisyo ito sa mga ordinaryong tao.

Leave a comment