Mga drogang palutang-lutang sa karagatan
Hunyo 2 nang unang magsuko ang mga mangingisda ng Bataan ng kanilang nalambat na hinihinalang droga mula sa Bajo de Masinloc sa Zambales.
Bagamat nakuha ang mga ito dalawang araw ang nakalilipas (Mayo 29), itinago muna nila ito sa isang abandonadong barge sa Mariveles bago tuluyang isurender sa mga kinauukulan.
Sa tala ng Philippine Drug Enforcement Agency, umabot sa 222.65 kilo ng 223 vacuuum-sealed plastic bags na nakapaloob sa 10 sako ang narekober ng mga mangingisda sa Zambales.
Hunyo 5 nang makatagpo naman ng pitong sako ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu sa baybayin ng Pangasinan.
Nasundan pa ito noong Hunyo 6 kung saan 22 sako pa ang nakuha at nadagdagan pa ng 13 sako noong Hunyo 7.
Umabot sa isang toneladang droga na may street value na Php6.8 billion ang natipon sa sumunod na apat na araw na maritime patrol operation.
May isinuko din na dalawang sako ng kontrabando ang mga mangingisda sa Ilocos Sur at karagdagang 25 pang mga sako nang makarekober pa ang mga awtoridad nitong Lunes, Hunyo 9.
Sa kabuoan ay umabot na sa 66 na sako na naglalaman ng 1.2 tonelada o 1,297.911 kilogramo ng shabu na nagkakahalaga ng P8,825,894,800 ang nalikom, batay sa pinakahuling ulat mula sa Philippine National Police.
Ang ganitong kaganapan ay lubhang nakababahala. Isipin na lamang kung ang napakaraming kontrabandong ito ay nakalabas sa publiko?
Sa huli, ang siyam na mangingisda ng Bataan ay tumanggap ng pabuyang P100,000 mula sa kanilang lokal na pamahalaan. Marapat din na pagkalooban ang iba pang mangingisda sa Pangasinan at Ilocos ng karampatang insentibo sa dahilang sila ang mga tunay na bayani na nagsuko sa mga nakuhang droga mula sa karagatan.
Mabuti na lamang at wala sa kanila ang nasilaw sa malaking halagang katumbas sa nabingwit na droga at nagtangkang magpakalat nito publiko, kundi napakalaking problema at Blak Ay na naman sa mukha ng ating lipunan.


Leave a comment