Ang Pahayagan

Mga mangingisda ng Pangasinan naman ang nakarekober ng php1.8b halaga ng shabu

PANGASINAN– Isinurender ng mga mangingisda rito ang mahigit isang bilyong pisong halaga ng hinihinalang shabu na natagpuang lumulutang sa baybayin ng Pangasinan nitong Huwebes, Hunyo 5, 2025.

Ayon sa  ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, ang naturang mga iligal na droga ay nakalagay sa 267 transparent plastic packs, na tumitimbang ng humigit-kumulang 267 kilo na tinatayang  nagkakahalaga ng Php 1,815,600,000.

Ang pagkatuklas sa mga lumulutang na droga ay halos ilang araw lamang ang nakalipas matapos matagpuan din ng mga mangingisda mula naman sa lalawigan ng Bataan ang 10 sako na naglalaman din ng hinihinalang shabu sa West Philippine Sea, sa kanugnog na lalawigang Zambales.

Ang turn over ng mga natagpuang droga ay ginawa sa coastal barangays ng Dacap Sur, Bani, Pangasinan; Boboy, Agno, Pangasinan at Luciente I at Balingasay, parehong nasa Bolinao, Pangasinan.

Nabatid sa ulat mula sa lokal na pulisya na limang sako ang unang natagpuang lumulutang sa pagitan ng ala-1 hanggang 5 ng hapon sa may 56 kilometro mula sa mga fishing village ng Balingasay at Luciente I sa Bolinao.

Isa pa ang narekober sa may 35.18 km malapit sa Barangay Aloleng sa bayan ng Agno sa halos kaparehong oras. Ang pinakahuling natagpuan ay ang isang sako na narekober bandang alas-8 ng umaga sa 44 km mula sa Barangay Dacap Sur sa bayan ng Bani.

Napag-alaman na ang naturang mga sako ay pawang naglalamay ng mga vacuum-sealed transparent plastic pack na markado ng foreign characters at ang label na “Refined Chinese Tea.”

Ang mga lumulutang na hinihinalang shabu pack ay itinurn-over ng mga mangingisda sa pinagsanib na operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine Coast Guard (PCG) Philippine National Police (PNP), Philippine Navy (PN) at National Bureau of Investigation (NBI), sa suporta na din ng mga Local Government Units ng Agno, Bani at Bolinao, Pangasinan.

Pinapurihan ng PDEA ang mga partner law enforcement agencies tulad ng PCG at PNP, sa kanilang kooperasyon upang maiwasan ang anumang mga pagtatangka ng pagpupuslit ng droga sa mga baybayin ng Northern seaboard.

“We are sending a clear message to transnational drug syndicates: our waters are no longer safe havens for their illegal operations. Do not dump poison into our coastal communities. We will hunt you down”, pagdidiing pahayag ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R Nerez.

📸 PDEA

Leave a comment