ZAMBALES– Nagkaisang inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng Subic, Zambales ang Resolution No. 29, Series of 2025, na humihimok sa Subic Water District na kansehahin na ang Joint Venture Agreement (JVA) nito sa PrimeWater Infrastructure Corporation dahilan umano sa paulit-ulit na reklamo na pagkabigo na makapaghatid ng mahusay na serbisyo ng tubig.
Sa ika-110 na regular na sesyon nitong Mayo 27, 2025, na ginanap sa Sangguniang Bayan Session Hall, nagpahayag ng matinding pagkabahala ang konseho na umano’y “substandard operations and performance” ng PrimeWater mula nang ipatupad ang JVA noong 2018.
Ayon sa resolusyon, maraming reklamo na umano ang nakatanggap mula sa mga residente ukol sa mahinang suplay ng tubig, mahina o mababang presyon, pasulput-sulpot na daloy, at maruming tubig na hindi angkop para sa pang-araw-araw na paggamit.
Inilahad din sa resolusyon ang anila mga paglabag sa JVA ng PrimeWater, partikular ang kabiguan nitong magbigay ng tuloy-tuloy at de-kalidad na serbisyo ng tubig ayon sa mandato sa ilalim ng Philippine National Standards for Drinking Water at ng Department of Health.
Bigo din umano ito na maitaguyod ang mga pamantayan ng serbisyo ng Local Water Utilities Administration (LWUA) at tiyakin ang kapakanan ng mga konsyumer ayon sa itinatakda sa Customer Service Handbook.
Nauna nang nagbigay ng abiso ang Subic Water District sa PrimeWater ng pre-terminasyon ng JVA, kung saan binanggit din ang mga kaparehong mga batayan mula sa mga pampublikong pagdinig na isinagawa ng konseho.
Ang konseho ay nagpasya na magbigay ng mga kopya ng resolusyon sa mga pangunahing opisyal ng ahensya para sa agarang aksyon, kabilang na ang Subic branch ng PrimeWater at Subic Water District.


Leave a comment