ZAMBALES– Nasagip ng nagpapatrolyang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ilang mangingisda makaraang masiraan sa laot ang kanilang bangkang pangisda sa timog-silangan ng Bajo De Masinloc nitong Linggo, Hunyo 01.
Ang nasabing pagsagip ay naganap alinsabay sa pagtugaygay ng Multi Role Response Vessel (MRRV-4409) na BRP Cabra, sa isang barko ng China Coast Guard na nasa humigit-kumulang 75.9 nautical miles mula Palauig Point sa baybayin ng Zambales.
Ayon sa ulat ng PCG, ang na BRP Cabra ay nakatanggap ng distress call mula sa fishing boat na FFB John John upang agad na saklolohan ng PCG dakong ala-1:00 ng hapon.
Napag-alaman sa ulat na ang mga tripulante ng BRP Cabra ay naglayag sa gitna ng masungit na panahon bago marating ang kinalalagyan ng fishing boat na ligtas namang nahatak pabalik sa Subic Port, Zambales.
“Despite facing challenging sea conditions with wave heights ranging from 8 to 10 feet, the 44-meter vessel continuously engaged the China Coast Guard 3105, emphasizing its lack of legal authority to patrol within Philippine waters but did not receive any response,” saad sa ulat ng PCG.
Ani pa rin sa ulat, ang nasabing operasyon ay bahagi ng dedikasyon ng PCG na igiit ang mga karapatan ng soberanya ng Pilipinas sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) nito alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), 2016 Arbitral Award, at Philippine Maritime Zones Act.
📸 PCG video screengrab


Leave a comment