Ang Pahayagan

Cayetano, suportado ang reporma sa pensyon at ‘early investment’ para sa kinabukasan

Iginiit ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Martes ang kahalagahan ng maagang pamumuhunan at pangmatagalang pag-iisip para sa kinabukasan ng bansa.

Sa naganap na oath-taking nina SSS-GSIS Pensyonado Party-list Rep. Rolly Macasaet at San Jose, Tarlac Councilor Mico Macasaet sa City of Taguig nitong May 27, sinabi ni Cayetano na kailangang maturuan ang mga mamamayan at mamumuno na maghanda nang maaga hindi lang para sa kanilang mga sarili kundi para sa buong bansa.

“The younger we start our people, citizens, and leaders in investing, the sooner they start thinking of not their immediate future lang but their whole life — the better for the whole country,” wika ni Cayetano.

Paliwanag niya, hindi lang ito tungkol sa ipon o pensyon. Dapat ganito rin ang prinsipyo ng mga nasa gobyerno pagdating sa trabaho.

“Ang mabilis na panahon hindi dahilan para magmadali sa trabaho. Ang kailangan natin ay mga pinunong iniisip hindi lang ang bukas kundi ang mga susunod na dekada,” wika niya.

Sinang-ayunan ni Cayetano ang plano ni Rep. Rolly na palawakin ang pensyon para sa mahigit dalawang milyong job order (JO) workers at mga opisyal ng barangay gaya ng kapitan, kagawad, at tanod.

“All the JOs po — over 2 million of them nationwide — are not members of neither SSS nor GSIS… I will just amend the law a bit,” wika ni Rep. Rolly.

“After serving or being barangay kapitans, kagawats, tanods for 20–30 years of their lives… when they retire, they go back to the poverty level po. Senator, I will file a bill with you so that they can at least be members of the SSS man lang,” dagdag niya.

Tugon ni Cayetano, handa siyang makipagtulungan sa Kongreso para maisulong ito sa Senado. Pinuri rin niya si Rep. Rolly sa pagiging tapat at sa malalim na kaalaman sa isyu ng pensyon.

Kinilala rin ni Cayetano ang sabayang panunumpa ng mag-amang Macasaet sa Taguig, na aniya’y sumisimbolo ng pagpapatuloy ng serbisyo at tamang pagpapasa ng mga pinapahalagahan sa susunod na henerasyon.

“In the spirit po of honoring our mothers and fathers, our lolos, lolas, we chose to do the oath-taking dito sa teritoryo n’yo… Para y’ung symbolism natin ng one generation after the other nandoon. Ang nag-oath today ay hindi lang si Kuya Rolly, kundi pati si Mico,” wika niya. (PR)

Leave a comment