PINALAWAK ng San Miguel Foods Inc. (SMFI), sa pamamagitan ng corporate social responsibility (CSR) arm ng parent company nitong San Miguel Corporation (SMC), ang programang “First 1,000 Days” sa buong bansa para mapabuti ang antas ng nutrisyon ng mga ina at sanggol sa mga mahihirap na komunidad sa kritikal na unang yugto ng kanilang paglaki — mula pagbubuntis hanggang sa edad na 2 taon.
Kilala sa mga komunidad bilang Happy si Mommy, Malusog si Baby (HMMB), ipinatutupad ang proyekto ng San Miguel Foundation (SMF) at ngayo’y may 1,007 bagong benepisyaryo mula sa 24 na barangay sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ngayong taon, pinalawak ng SMFI, SMF, at mga katuwang mula sa gobyerno at pribadong sektor ang mga benepisyong ibinibigay sa mga ina at kanilang mga sanggol — bilang bahagi ng layunin ng SMC na maiangat ang kabuhayan ng 15 milyong Pilipino pagsapit ng 2030.
Mula sa 254 mother-and-baby beneficiaries nang ilunsad ang unang yugto ng programa noong 2022 sa siyam na pilot barangays, mas marami na ngayon ang naka-enroll sa HMMB:
Luzon – 408 beneficiaries:
* Better World Tondo (40)
* Mariveles, Bataan – Brgy. Lucanin (50), Townsite (37), at Alion (50)
* Brgy. Gen. Lim, Orion, Bataan (52)
* Mabini, Batangas – Brgy. Bulacan (14) at Balibaguhan (30)
* Brgy. San Francisco, Gen. Trias, Cavite (50)
* Pili, Camarines Sur – Brgy. Sagurong (50), La Purisima (25), San Jose (25), at Anayan (25)
Visayas – 307 beneficiaries:
* Mandaue, Cebu – Brgy. Canduman (50) at Looc (50)
* Brgy. Naga, Lapu-Lapu City (50)
* Brgy. Pangdan, Naga City (50)
* Brgy. Antipolo, Albuera, Leyte (50)
* Iloilo – Brgy. Mali-ao, Pavia (27) at Brgy. Maliao, Leganes (30)
Mindanao – 252 beneficiaries:
* Brgy. Gracia, Tagoloan, Misamis Oriental (50)
* Brgy. Impalutao, Impasug-ong, Bukidnon (23)
* Brgy. Kapitan Bayong, Impasug-ong, Bukidnon (24)
* Davao del Sur – Brgy. Guihing, Hagonoy (100) at Brgy. Darong, Sta. Cruz (55)
Kasama sa pagpili ng mga benepisyaryo ang mga local health unit, social workers, at community health workers, kung saan ang mga napipili ay nasa una o ikalawang trimester (3-6 buwan) ng pagbubuntis at limitado ang access sa prenatal care.

📸 Libreng check-up at tulong para sa sapat na nutrisyon, handog ng San Miguel Foods Inc. and San Miguel Foundation sa pinalawak na proyektong ‘Happy si Mommy, Malusog si Baby.’
Noong 2022, sa pilot phase ng programa, libre ang prenatal checkups, ultrasound, at edukasyon tungkol sa kalusugan ng mga ina sa tulong ng mga lokal na health professionals at LGU.
Pagsapit ng 2023, isinama na rin sa programa ang complementary feeding gamit ang Mingo Meals—isang masustansyang pagkain mula sa bigas, monggo, at malunggay na binuo ng Department of Science and Technology – Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI).
Nasa anyong pulbos ang Mingo Meals at maaaring gawing lugaw, sabaw, o inumin kapag hinaluan ng tubig. Bawat 20-gramong sachet ay may taglay na protina, taba, at iba’t ibang bitamina at mineral gaya ng A, C, B1, B6, potassium, iron, calcium, at zinc. Ang mga Mingo Meals ay gawa ng Negrense Volunteers for Change (NVC) Foundation, isang lokal na charity na lisensyado ng Food and Drug Administration.

📸 Ipinamahagi ang ilang mga produkto ng San Miguel Foods, gaya ng Star margarine, Magnolia pancake, at San Mig Coffee 3-in-1, kasama ng baby swaddle para, at ang ‘Happy si Mommy’ booklet na nilimbag ng Adarna Group Foundation Inc.
Noong 2024, habang ang unang batch ng mga bata ay lumalaki na at nagiging toddler, muling bumalik ang San Miguel Foods sa mga komunidad upang mamahagi ng karagdagang three to six months’ supply ng Mingo Meals sa bagong mga lasa upang mas bumagay sa panlasa ng mga bata.
Ang mga naging resulta ng programa ay malinaw:
* 89% ng mga bata ay may normal na taas at timbang
* 2% lamang ang mga kaso ng underweight
* 9% lamang ang naitalang malnourished
“These are the kinds of outcomes we hope for when we commit to long-term, community-based work,” ani San Miguel Corporation (SMC) Chairman and CEO Ramon S. Ang. “Good nutrition starts before birth, and we want to make sure mothers and children in underprivileged communities receive sustained support — not just one-time assistance.”
Bahagi ang programa ng mas malawak na adyenda ng San Miguel para sa pagpapanatili ng kaunlaran, na kinabibilangan ng pangakong maiangat ang kabuhayan ng 15 milyong Pilipino pagsapit ng 2030.
Bukod sa direktang suporta sa kalusugan, nakatuon din ang programa sa pagsasanay ng mga Barangay Health Worker (BHW). Sa ngayon, 102 BHW na ang nasanay sa pamamagitan ng mga webinar na pinangungunahan ng DOST-FNRI, na sumasaklaw sa mga paksang gaya ng pagpapasuso, pangangalaga pagkatapos manganak, at nutrisyon para sa maagang yugto ng kabataan. Ipinapasa naman ng mga BHW ang kanilang kaalaman sa mga inang kasali sa kani-kanilang mga komunidad. (PR)


Leave a comment