Ang Pahayagan

Mga Ayta ng Pinatubo dumulog sa United Nations High Commissioner for Human Rights kaugnay sa kanilang hinaing

ZAMBALES—Humiling ng tulong ang mga katutubong Ayta na kabilang sa samahang Kilusang Pinatubo sa Office of the United Nations High Commissioner for Human Rights (OHCHR) upang mamagitan ang naturang organisasyon na maresolba ang usapin kaugnay sa lupaing ninuno na sumasakop sa Mt. Pinatubo Crater Lake na isa ng pangunahing atraksyong panturismo sa kasalukuyan.

Ang naturang liham ay ipinarating ni Chito Balintay, dating Honorary Member ng United Nations Commission on Human Rights at Indigenous Peoples (IP) Convention Representative ng Pilipinas noong 2006. Naka-address ang liham kay High Commissioner Volker Turk, ng OHCHR sa Geneva Switzerland.

“I write to you with great urgency regarding the continuing violations of the human rights and ancestral land rights of the Indigenous Peoples in the Mt. Pinatubo area,” pambungad sa sulat ni Balintay.

Ayon kay Balintay, magmula noong 2015 nang maging isang sikat na tourist destination ang Mt. Pinatubo Crater Lake ay alinsabay na rin sa paggiit ng mga katutubo sa kanilang ancestral domain rights. Ito na din aniya ag simula mahabang konsultasyon sa pagitan ng mga lider katutubo at ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) hanggang sa nabuo ang Pinatubo Task Force, kung saan ang karapatan ng mga katutubo ay kinilala ng pamahalaang lalawigan ng Tarlac.

Sa simula aniya ay nagbibigay ng kompensasyon ang Local Government Unit (LGU) Capas (Tarlac) para sa mga apektadong komunidad, subalit taong 2016 nang pasukin ng LGU Botolan (Zambales) ang pamamahala sa trail operations.

Kasama ni Balintay na lumagda sa liham sina Paylot Cabalic, Chairman ng IPO-CADT, Botolan, Zambales gayundin ang iba pang mga lider katutubo na bumubuo sa IPS / IPO CADT Executive Committee na sina Salvador Cosme, Jaso Dolfo, Rico Beltran, Villardo Andag, Francisco Balintay Jr., Esperdion Ignacio Jr., at Willy Bulanhigan.

“Early Free, Prior and Informed Consent (FPIC) discussions reflected our consensus on a three-year agreement involving only the four barangays legitimately within our ancestral domain. Regrettably, the final memorandum of agreement was unilaterally altered to extend the terms to 25 years, to include seven barangays-three of which are outside our territory-and to impose unfair conditions never discussed in FPIC. Consequently, we refused to sign the agreement,” saad sa liham ng Kilusang Pinatubo.

Sa kalaunan ay pinalitan umano ang mga representanteng katutubo ng mga barangay captains na kaalyado ng LGU, bagamat hindi naman mga residente ang mga ito sa loob ng ancestral lands.

📸 Ipinakita ni Paylot Cabalic ang Memorandum of Agreement na kanilang tinanggihan noon pang 2016 dahilan anila sa hindi ito naaayon sa itinatadhana ng FPIC. (Ang Pahayagan photos / MARTI DUMAGUING)

“This deliberate replacement effectively disenfranchises the community and undermines our right to self-governance,”saad pa ng sulat sa OHCHR.

Idinagdag pa ni Balintay na hanggang sa ngayon,umano ay patuloy pa rin ang LGU ng Botolan sa hindi pagbibigay ng malinaw na tugon at pag-acknowledge sa kanilang mga lehitimong kahilingan bilang mga katutubong may-ari ng lupang ninuno sa Mt. Pinatubo.

Sa kabila umano ng mga ganitong kaganapan ay bukas pa rin anila ang kanilang kasapian para sa isang dayalogo, at humihiling ito sa OHCHR na mamagitan at himukin ang LGU ng Botolan na kilalanin ang kanilang hinaing. (Ulat para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)

Leave a comment