Kinumpirma ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman na ang mga kawani ng gobyerno, kabilang na ang mga military at uniformed personnel, ay makatatanggap ng kanilang mid-year bonus simula ngayong araw, Mayo 15, 2025.
“Magandang balita po mula sa ating Pangulong Bongbong Marcos— Simula ngayong araw, May 15, ay magsisimula na pong matanggap ng ating mga qualified government workers ang kanilang mid-year bonus, na equivalent sa kanilang 1 month basic pay,” pag-anunsyo ni Pangandaman.
Ang kabuuang pondo para sa pagbibigay ng 2025 mid-year bonus para sa mga kwalipikadong civilian at military/uniformed personnel ay P63.695 bilyon. Sa halagang ito, P47.587 bilyon ang nakalaan para sa civilian personnel, habang P16.108 bilyon naman para sa military/uniformed personnel.
“Naniniwala po ang ating Pangulong Bongbong Marcos na ang timely o agarang pagre-release ng mid-year bonus sa ating mga empleyado ay nararapat lamang bilang pagpapahalaga sa kanilang sakripisyo, pagod at walang sawang paglilingkod sa ating mga kapwa Pilipino,” ani Pangandaman.
“Ang pondo po para sa mid-year bonus ay komprehensibo na pong nai-release ng DBM sa mga implementing agencies noong pang January 2025, kaya naman magalang po tayong nanawagan sa ating mga kasamahan at pinuno ng mga ahensya ng gobyerno at LGUs na sana po ay maibigay na ang mid-year bonus sa kani-kanilang empleyado sa lalong madaling panahon,” dagdag pa ng Kalihim.
Nilalaman ng DBM Budget Circular No. 2017-2 ang rules and regulations sa pagbibigay ng mid-year bonus. Nakasaad dito na ang mid-year bonus ay ibibigay sa mga personnel na nakapag-serbisyo nang hindi bababa sa kabuuan o pinagsama-samang apat (4) na buwan mula unang araw ng Hulyo ng nakaraang taon hanggang May 15 ng kasalukuyang taon.
Kaillangan din na ang mga personnel ay nananatiling nagseserbisyo sa gobyerno hanggang May 15 ng kasalukuyang taon at nagkaroon ng at least satisfactory performance rating noong nakaraang rating period, o ang naaangkop na performance appraisal period.
Ayon sa Circular, sakop sa pagbibigay ng mid-year bonus ang lahat ng posisyon para sa mga civilian personnel, regular, casual, o contractual, appointive o elective man, full-time o part-time, sa existing o binuo na Executive, Legislative, at Judicial branches, Government-Owned or -Controlled Corporations na sakop ng Compensation at Position Classification System, at sa local government units.
”Nanawagan din po ako sa ating mga kababayan na maging matalino at maingat sa paggamit ng kanilang mid year bonus. Huwag po tayong maging waldas at sana’y i-budget po natin ito ng maayos at naaayon lamang sa ating mga pangangailangan,” pahayag ng kalihim.
”Huwag po tayong maging “waldas now, cry later”. Dapat, “budget now, enjoy savings later”. More importantly, save for emergencies, save for your future,” dagdag pa ni Pangandaman. (PR)


Leave a comment