Ang Pahayagan

₱680-M shabu nasabat sa anti-drug operation

PAMPANGA —Nasa 101 kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱680 milyon ang nasabat habang arestado naman ang dalawang suspek na sinasabing mga High-Value Individuals (HVIs) sa isang joint anti-illegal drugs buy-bust operation sa kahabaan ng Friendship Highway, Brgy. Sto. Domingo, Angeles City, bandang alas-11:00 ng umaga noong Mayo 14, 2025.

Ang naturang operasyon ay inilunsad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Angeles City Police Office – Drug Enforcement Unit, sa pakikipagtulungan na rin ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kabilang ang AFP-Counter Intelligence Group, PNP Information Technology Management Service, Regional Intelligence Division PRO3, Regional Police Drug Enforcement Unit 3, CIT-Angeles, at Regional Intelligence Unit 3.

Naaresto sa operasyon ang dalawang kinilala lamang sa mga alyas na “Wang,” 31 anyos, residente ng Clark, Pampanga; at “Shania,” 24 anyos, residente ng San Sebastian, Tarlac City.

Narekober mula sa mga suspek ang 101 kilo ng shabu na ipinapalagay na may Standard Drug Price (SDP) na aabot sa ₱680,000,000.00.

Ayon kay PBGEN Jean Fajardo, Regional Director ng Police Regional Office 3 (PRO3), ang tagumpay ng operasyon ay nagpapakita ng matatag na koordinasyon ng mga ahensyang tagapagpatupad ng batas.

“Ito ay isang malaking tagumpay sa ating kampanya kontra iligal na droga. Ang pagkakahuli sa dalawang high-value individuals at pagkakakumpiska ng mahigit kalahating bilyong pisong halaga ng shabu ay patunay ng dedikasyon at husay ng ating kapulisan at mga katuwang na ahensya,” ani PBGEN Fajardo.

“Ang PRO3 ay patuloy na nakikiisa sa direktiba ni PNP Chief PGEN Rommel Francisco D. Marbil sa mas pinaigting na kampanya laban sa mga sindikato ng droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ating mga pamayanan.”

Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a comment