LUNSOD NG OLONGAPO – Muli ay naging matagumpay ang isinagawang “Tutok Politika at Tapatan” – Midterm Election forum-debate para sa mga tumatakbong City Councilor ng Olongapo City na inorganisa 88.7 K5 News FM Olongapo na ginanap sa SMX Convention Center nitong Mayo 6 2025.
Dalawangpu’t-anim (26) sa tatlumput-limang (35) magkakatunggaling kandidato para pagka-kagawad ng siyudad ang lumahok sa naturang forum-debate.
Sa programa, ang magkakatunggali ay binigyan ng pagkakataon na ilahad ang kanilang mga plata-porma, gayundin ang pagsagot sa katanungan ng mga miyembro ng panel na may kaugnay sa mga suliranin at kaganapan sa siyudad.
“Hindi lahat ng miting-de-avance o rally ng mga kumakandidato ay kaya natin mapuntahan kaya sa pammagitan ng forum-debate ng K5, ang kanilang mga materyales at plata-porma ay ating maririnig,” ayon kay K5 Radio Station Manager Aileen Cuevas Sanchez.
Ang plata porma ng mga kumakandidato ay pawang nakatuon sa pagsasabuhay muli ng eco- tourism, karagdagan mamumuhunan at mangangapital na lilikha ng trabaho, modernisasyon ng mga pamilihang bayan rito at pagsasa-ayos ng serbisyo sa pampublikong ospital.
Pinag-usapan din ang hinggil sa usaping pangkapayapaan ng bawat barangay, pangangalaga sa kalikasan at kasama na ang karapatan at pangangalaga sa kapakanan ng mga katutubong Ayta at iba pang mga isyung may kaugnayan sa siyudad at sa bansa.
Kabilang sa mga panel na naimbitahan ay mga beteranong komentarista ng 88.7 K5 Olongapo Digital news FM na sina Rogie Pangilinan ng programang Foro De Los Pueblos, Roel Tarayao ng programang El Castigador, at si Jojo Perez na reporter ng pahayagang Pilipino Star Ngayon.
Dumalo rin sa forum sina Bases Conversion and Development (BCDA) Director Rolen Paulino at dating Bise- Alkalde ng lungsod ng Olonggapo na si Cynthia Cajudo at ilang mga opisyales ng LGU at mga suporter ng mga kandidato. (Ulat para sa Ang Pahayagan ni MITCH SANTOS)


Leave a comment