Ang Pahayagan

ANG BAGONG HAMON NG KATUPARAN 

SA wakas ay dumating na rin ang pinakahihintay at isa sa pinakamahalagang araw ng mga mag-aaral at mga magulang. Kayo ay nag-aaral at nagsumikap makapagtapos ng pag-aaral dahil sa layuning magkaroon ng magandang kinabukasan hindi lamang para sa  sarili kundi higit sa lahat para sa inyong mga pamilya sa hinaharap. 

Ngunit huwag sana nating kalimutan na ang pagtatapos ay hindi pagwawakas, bagkus ito ay pagsisimula sa panibagong pahina ng inyong buhay. Ang edukasyon ay pundasyon sa katuparan ng iyong mga pangarap, ito ang sandata para maging matatag sa pagharap sa bagong hamon ng katuparan. 

Tuloy- tuloy ang pag-aaral kahit tapos na duon sa apat na sulok ng silid paaralan. Dahil kahit nakamit na ang de-kalidad na edukasyon sa loob ng eskwelahan. Ay marami pa rin ang bumabagsak, nabibigo,o hindi nagtatagumpay sa buhay. Mga tambay na ilang dekada na ang nagdaan ay nakabakante pa rin at walang trabaho, ang iba ay pana-panahon lamang kung magkakatrabaho, ang masaklap ay yung kumakapit na sa patalim para magkatrabaho. Nangyayari ito dahil hilaw pa sa kaalaman sa pagharap sa realidad ng buhay. 

Sabi ng pilosopiya ang tunay na edukasyon at kaalaman ay hindi ganap na matutunan sa loob ng apat na sulok ng eskwelahan kundi ito ay matutunan sa ating lipunan. Matibay ang isang edukasyon kung ito ay pinagsamang katalinuhan bunga ng mga pormal na pag-aaral, mga bagay na tungkol sa buhay at pagkatuto sa proseso ng pagsasabuhay ng mga natutunan sa eskwelahan. 

Una sa lahat ay marapat ninyong pasalamatan ang panginoon diyos dahil sa pagbibigay niya ng sapat na lakas, katalinuhan,kaalaman para marating niyo ang tagumpay na ito, pangalawa sa mga magulang na iginapang kayo para lamang mabigyan kayo ng pagkakataong makapag-aral at makapagtapos, pangatlo sa inyong mga guro na tumayong pangalawang magulang at nagpanday nang kaalaman ng bawat mag-aaral. 

Sa bawat kabataang nangangarap ng pagbabago, pag-unlad, at pagmamalasakit sa lipunang kanyang ginagalawan.  

Sa lahat ng mga nagsitapos at magtatapos pa lamang na mga mag- aaral sa taong 2024-2025 Mabuhay kayo. 

Leave a comment